
“Parang niloloko mo ako!”
Ito ang natatawang tugon ni Concert Queen Pops Fernandez nang tanungin kung posibleng magkaroon siya ng boyfriend na 'millennial.'
Dagdag pa niya, “Bago pa yata mauso ang word na millennial, naranasan na natin.
“Ako yata ang word na millennial.”
Hindi naiwasan ng ilang entertainment reporters na tanungin si Pops tungkol sa kanyang love life dahil matagal-tagal na rin ang huling balita sa kanya tungkol dito.
Halos isang dekada na ang nakararaan nang mapabalita ang paghihiwalay nila ng kanyang dating boyfriend na si Jomari Yllana, na mas bata sa kanya.
Tanong tuloy kay Pops, bakit hindi pa rin nasusundan ang huling pakikipagrelasyon niya?
Sagot ng singer-producer, “Alam mo, I think after a while na ma-single ka na nang matagal, 'tapos happy ka naman…
“Kumbaga, feeling accomplished ka naman, hindi ka na naman naghahanap ng partner.
“Okay ka na rin naman na basta happy.
“I'm happy with my family, I'm happy with the group of friends that I have. 'Tapos, sobra rin naman po akong busy.”
Sa kabila ng pagiging kuntento ni Pops, agad naman niyang nilinaw na, “Hindi ko naman po sinasabing hindi po ako magkaka-lovelife. Sana po [magkaroon].
“Pero hindi ko na siya hinihintay-hintay, darating din 'yon.”
Nakausap ng GMANetwork.com at iba pang reporters si Pops sa media conference ng unang pelikulang kanyang iprinoduce, ang 'Feelennial,' na ipalalabas sa mga sinehan nationwide simula June 19.