
Opisyal nang sinimulan ni Mister Supranational Philippines 2026 Felipe Marasigan ang kanyang journey sa international pageant matapos ang kanyang sashing ceremony.
Sa Instagram, ibinahagi ni Felipe ang ilang larawan kung saan suot niya ang kanyang Mister Pilipinas Supranational sash. Sa caption ng kanyang post, sinabi niyang isang karangalan para sa kanya na irepresenta ang Pilipinas sa prestihiyosong kompetisyon.
May maagang momentum na si Felipe bago pa man magsimula ang pageant proper. Kamakailan lamang, napabilang siya sa mga finalist ng Mister Supranational Supra Chat Series, isang pre-pageant competition ng organisasyon.
Ipinakilala na ng Mister Supranational Organization ang sampung finalists ng Supra Chat series, kabilang si Felipe. Kasama niya sa listahan sina Danton Murilo ng Brazil, Daniel Li ng China, Lazzaro Ortiz ng Puerto Rico, Kim Taewoo ng Korea, Luay Kalisilira ng Zambia, Jack Titus ng Thailand, Marco Ybarra ng United States, Mridul Acharya ng Nepal, at Gabriel Castañeda ng Mexico.
Pinuri ng organisasyon ang mga finalists para sa kanilang "voices, passion, and authenticity" at hinikayat ang kanilang mga tagasuporta na ipahayag ang kanilang suporta sa comments section.
Mahalaga ang naturang kompetisyon dahil ang overall winner ng Supra Chat Series ay awtomatikong mapapasama sa Top 20 ng Mister Supranational 2026.
Related Gallery: Here are your 2026 Mister Pilipinas Worldwide winners
Bago makarating sa finals, nakapasok muna si Felipe sa semi-finals ng Supra Chat Series sa tulong ng matinding suporta ng Filipino pageant fans.
Nagbahagi pa ang Mister Pilipinas Worldwide ng graphic na nagpapasalamat sa mga tagahanga matapos manguna si Felipe sa Supra Chat Group 6, na nagbigay sa kanya ng puwesto sa semi-finals.
Ilang beses ding nanawagan ang Mister Pilipinas Worldwide Organization ng suporta para kay Felipe sa kanilang social media accounts. Nagbahagi rin sila ng mga instructions kung paano makakaboto ang publiko para sa Filipino representative.
Isa si Felipe sa 11 titleholders na kinoronahan sa Mister Pilipinas Worldwide 2026 finals na ginanap noong Abril 15 sa Bigger Pictures sa Mandaluyong City.
Kabilang sa iba pang titleholders sina JP Gundayao (Mister Pilipinas Manhunt Supermodel 2026), John Wayne Alba (Mister Pilipinas International 2026), MJ Ordillano (Mister Pilipinas Global 2026), Godfrey Murillo (Mister Pilipinas Eco International 2026), John Bonifacio (Mister Pilipinas Cosmopolitan 2026), Jason Lopez (Mister Pilipinas Worldwide 2026), at Enzo Bonoan (Mister Pilipinas 2026).
Samantala, sina Zach Russell, Gian Guidicelli, at Cas Villones ang kinilalang first, second, at third runners-up, ayon sa pagkakasunod.
Bago ang coronation night, dumaan ang mga delegado sa iba't ibang pageant activities at photoshoots, kabilang ang summer-themed campaign ng Bench, swimsuit pictorial, fashion shoot, sports fashion shoot, at ang Glen magazine cover boy challenge.
Related Gallery: Mister Pilipinas Worldwide delegates charm as cover boys
Ngayong opisyal nang nagsimula ang kanyang Mister Supranational journey, layunin ni Felipe na higitan pa ang naging performance ng mga nakaraang Philippine representatives sa kompetisyon.
Noong 2025, nagtapos bilang fourth runner-up si Kenneth Cabungal, habang naging second runner-up naman si Brandon Espiritu noong 2024. Samantala, umabot sa Top 20 si Johannes Rissler noong 2023.