
Apat na bago at exciting na mga kuwento ang inihanda ng weekend anthology na Regal Studio Presents ngayong November.
Sa unang pasabog na pinamagatang "Karinderya Queens," tampok kaagad ang dalawang bagay na malapit sa mga Pilipino -- ang pagkain at beauty pageants.
Bibida rito ang beauty queens na sina Miss Universe Philippines 2016 Maxine Medina at Miss World Philippines 2019 2nd Princess Casie Banks bilang magkaribal na karinderya owners na magtatagisan ng galing sa isang cook-off.
Lalong iinit ang kanilang rivalry sa pagdating ni Dante, played by Derrick Monasterio, isang macho-gwapitong tricycle driver na pag-aagawan nila.
Susundan ito ng youth romantic-comedy na "Magkaibigan, Nagkaibigan" na pagbibidahan nina Kim de Leon, Lexi Gonzales, at Anjay Anson.
Si Lexi ay si Lanelle na may itinatagong feelings para sa kanyang kababatang si Jared, role naman ni Kim. Hindi niya ito maamin sa kaibigan sa takot na masira ang kanilang friendship. Hindi alam ni Lanelle na ganito rin pala ang iniisip at nararamdaman ni Jared.
Lalo pa silang magugulo sa pagdating ng hot young celebrity na si Arjun, karakter ni Anjay, na pansamantalang nagtatago at mamamagitan sa kanila.
Kuwento naman ng isang former child star at ng kanyang stage mother ang mapapanood sa "Anyare Sa 'Yo" na pagbibidahan nina Rita Daniela, Snooky Serna, at Jak Roberto.
Gaganap si Rita bilang dating child star na si Baby Girl. Sa kanyang pagdadalaga, palagay ni Baby na tapos na ang kanyang showbiz career.
Pero push pa rin ang kanyang nanay na si Luz, na gagampanan ni Snooky, sa pagpapapunta sa kanya sa auditions sa pag-asang magkaroon ng showbiz comeback ang anak.
Makakahanap naman si Baby Girl ng kakampi kay Erwin, karakter ni Jak, na hihikayat sa kanya to follow her heart.
Masusubukan naman ang pagkakaibigan ng dalawang binata sa episode na "Bros Before Rose" kung saan tampok sina Jeric Gonzales, Rob Gomez, at Kim Domingo.
Residente ng isang boarding house ang playboy gym instructor na si Lester, na gagampanan ni Jeric, at pinsan niyang si Vincent, role naman ni Rob, na naghahanap ng kanyang ideal girl sa pamamagitan ng isang dating app.
Magma-match si Vincent kay Rose, played by Kim, ang pamangkin ng kanilang landlord.
Kaya lang, picture ni Lester ang gagamitin na profile photo ni Vincent sa app. Bukod dito, nagsisimula na ring maging interesado si Lester kay Rose.
Abangan ang mga bagong kuwentong 'yan sa 'Regal Studio Presents,' every Sunday, 4:35 p.m. sa GMA!