
Nagbahagi ng kanya-kanyang mga saloobin at pananaw ang mga bida ng pelikulang Rekonek hinggil sa kontrobersyal na P500 budget para sa Noche Buena ng DTI.
Naganap ito sa noong Lunes, December 1, sa media conference ng family-drama film. Tinanong ang cast kung kasya nga ba ang halagang ito upang makapaghain sa handaan sa Noche Buena.
Tinimbang ng cast kung sasapat nga ba o kukulangin ang budget na prinopose sa paghahanda para sa masayang pagdiriwang sa gabi ng Kapaskuhan.
Kabilang sa mga nagbigay ng kanilang unsolicited opinions ay sina Gloria Diaz, Carmina Villaroel - Legaspi, Zoren Legaspi, Charlie Dizon, at Kelvin Miranda.
Naunang nagbigay ng kanyang pananaw si Miss Universe 1969 Gloria Diaz. Para sa kanya raw ay sasapat na ang budget na ito; ibinahagi rin niya na “good friend” niya si DTI Sec. Cristina Aldeguer-Roque.
“Of course p'wede. And by the way, Sec. Cris is a good friend of mine. She showed me all of that DTI had shown [meal plan] that you can make P500,” sabi ni Gloria.
“You can have corned beef, fruit salad, you can have pineapple juice na dinadagdagan ng maraming yelo, and you can eat pansit,” dagdag pa niya.
Iba naman ang naging sagot ni Kapuso actress and host Carmina Villaroel sa tanong. Ayon sa kanya, hindi talaga sasapat ang proposed budget na ito sa Noche Buena.
“Sorry ha, I think it reality depends sa pamilya kung gaano kalaki 'yung pamilya at kung ano ang gusto n'yong ihain sa Noche Buena,” paliwanag ni Carmina.
“'Di ba tayo kapag gusto gagawan ng paraan. Tayong mga Pinoy maabilidad tayo; pero realistically, for me, if you ask me, 'di talaga kasya ang P500. Maybe nung 1993, kasya,” ani pa niya.
Nagbigay rin ng komento ang asawa ni Carmina na si Zoren. Sabi niya na ang lahat daw ay “missing the point.” Para sa kanya ang Noche Buena ay isang feast or celebration para sa lahat.
“Noche Buena is a feast. We have to consider that event na once a year lang nangyayari. Pwede bang may fiesta na nagtipid ka?” sabi ni Zoren.
Nagsalita rin si Kapamilya actress Charlie Dizon at sinabing hindi ito sapat kahit pa sa isang normal na araw.
“Honestly 'di kasya ang P500. Kasi sa totoo lang, sa isang araw ang hirap na pagkasyahin ng P500. Kahit sa dalawang tao, ang hirap na pagkasyahin; makapuno ka ng tatlong meal a day sa P500,” sabi ni Charlie.
Isa rin si Kapuso actor Kelvin Miranda sa mga nagsabi ng kanyang opinyon patungkol sa isyu.
“Since sumasama ako sa palengke noong bata ako, aware naman ako na iba't ibang lugar, iba't iba ang presyo ng bilihin. Kung makakabili ka ng rekados,'yung mga pansahog, kahit ba sabihin mo na maliit lang na portion lang ang lutuin mo, hindi pa rin talaga siya kakasya,” paliwanag ni Kelvin.
“Maging praktikal ka, 'yung event talaga mismo is a gathering. Noche Buena, so 'di siya pupuwedeng sabihing 'normal day' na magluluto ka lang ng ulam,” dagdag pa ng aktor.
Ang pelikulang Rekonek ay isa sa mga film entries sa 51st Metro Manila Film Festival ngayong 2025. Ilan pa sa mga cast nito ay sina Gerald Andrerson, Andrea Brillantes, Bella Padilla, Cassy Legaspi, Mavy Legaspi, and Kokoy de Santos.