
Noong June 2024, napaamin si Ruffa Gutierrez tungkol sa tunay na estado ng kaniyang relasyon sa aktor at politiko na si Herbert Bautista. Naging usap-usapan sila ng netizens at may ilang nagsasabi na ikinasal na daw ang dalawa habang ang iba naman ay sinasabing may plano na silang magsama na parang mag-asawa.
Sa isang panayam sa channel ni Morly Alinio, nagbahagi ang kapatid ni Herbert na si Hero Bautista nang tungkol sa relasyon ng kapatid kay Ruffa.
Klaro nito, hindi pa kasal ang dalawa at aniya ay walang nabanggit na plano na ikakasal. "Ayokong magsalita pero hindi pa sila kasal. Kilala ko 'yung brother ko, ayaw niyang mag-asawa," sabi ni Hero.
Banggit ng direktor at aktor na hindi pa nila pinag-uusapan muli ni Herbet kung nais niya na ba ikasal. Noong bata pa kasi ito, nilinaw ni Herbert na wala sa kanyang plano noon ikasal dahil "ayaw niyang maging mahirap ang buhay may asawa."
Gayunpaman, masaya si Hero para sa kanyang kapatid dahil nakikita niya kung gaano kasaya at komportable ito sa kanyang relasyon.
"Masaya naman kapatid ko. Makikita mo sa mata at kilos ng isang tao kung masaya siya sa ginagawa niya. Masaya naman siya kay Ruffa. Masaya din ako para sa kanya," pahayag niya.
Kung may plano nga ang dalawa ikasal, okay naman daw ito kay Hero at susuportahan pa raw niya ang dalawa sa kanilang desisyon.
"Sa akin kasi, kung saan masaya ang mga kapatid ko sa kanilang love life wala akong tutol. We have to move on, we have to make ourselves happy kasi meron tayong minamahal at minamahal tayo. We have to show the people na masarap ang may nagmamahalan at masaya ang buhay hindi 'yung puro stress. Kasi 'pag ang tao na-stress, maagang tatanda," paliwanag niya.
Kilala rin naman daw ni Hero si Ruffa dahil nakasama na niya ito sa showbiz sa kasagsagan ng kanilang career sa That's Entertainment. Kahit hindi opisyal sumali si Hero sa programa noon, bumibista pa rin naman siya para makisayaw o bigyan ng suporta ang kanyang kapatid na si Harlene Bautista.
Panoorin ang panayam ni Hero Bautista dito: