Olympic boxer Eumir Marcial, nahaharap sa kasong VAWC at concubinage na isinampa ng kanyang asawa

Isang malaking kontrobersiya ang sumalubong sa bagong taon ni Olympic boxer Eumir Marcial at sa kanyang asawa na si Princess Galarpe Marcial.
Ayon sa Unang Balita nitong Lunes, January 13, inireklamo na nga ni Princess ang kanyang asawa sa paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children o VAWC at concubinage sa Pasay Prosecutor's Office.
Nakapanayam si Princess sa isang phone interview at nagbigay ito ng kanyang statement kasabay ng kanyang pagsampa ng kaso laban sa kanyang asawa.
"Yung pananakit niya na tinatanong n'yo kung ilang beses, hindi ko na po mabilang. Grabe na po 'yung pambabastos, pagsisinungaling, manipula, lahat po. Deserve ko po 'yung justice," paliwanag ni Princess.
Dagdag nito, "Hindi po siya magiging Eumir Marcial ngayon kung hindi kami magkasama at 'di kami nagtulungan bilang mag-asawa. Kaya nga hanggang ngayon, wala kaming anak, e."
Ngunit, itinanggi naman ni Eumir ang lahat ng sinabi ni Princess.
"Walang nangyayari na pagtataksil, 'yung babaeng nakita nila sa video ay kaibigan ko 'yun. Finile niya kami ng concubinage, iaatras niya na kasi alam niya na hindi totoo. Nandoon sa affidavit of desistance niya e, hindi totoo 'yun e," sabi ni Eumir.
Sinabi rin ng Olympic boxer na inurong na raw ang kaso at na-inquest sila kaya naman ay namalagi sila sa police station ng ilang araw.
Simula noon, nakumpirma rin daw ni Eumir na hindi na sila okay ng kanyang asawa at "hindi na pagmamahal 'yung gusto niya lang sa akin."
Noong January 10, ikinuwento ni Princess sa kanyang Facebook na may ibang karelasyon si Eumir at siya raw mismo ang nakahuli sa isang condominium unit sa Pasay.
Pinaaresto daw ni Princess noon si Eumir at ang 'di umano karelasyon ng kanyang asawa. Ngunit, nagdesisyon rin ito na patawarin si Eumir pero imbes na magbago ay minanipula pa raw siya nito.
Inamin ni Princess na kinuha lahat ni Eumir ang ipon nila sa bangko para magpagawa ng bahay sa kanyang karelasyon.
Patuloy na itinanggi ng Olympic boxer ang mga alegasyon ni Princess at giniit na kaibigan lamang niya ang babae. Sabi ni Eumir na si Princess ang nananakit sa kanilang dalawa at ang may hawak ng mga joint accounts at mga titulo ng bahay at iba pang ari-arian.
SAMANTALA, MAS KILALANIN PA SI EUMIR MARCIAL SA GALLERY NA ITO:









