
Successful ang naging sunset marriage proposal ni Descendants of the Sun PH actor Rocco Nacino sa long-time girlfriend at ngayon ay fiancé niyang si Melissa Gohing.
Nitong Biyernes, November 20, nag-propose si Rocco kay Melissa.
Sa panayam ng 24 Oras, ikinuwento ni Rocco kung paano niya pinaghandaan ang surprise sunset marriage proposal.
Aniya, ilang buwan niyang pinagplanuhan ang event, katuwang ang kanyang kapatid at girlfriend nito, para palabasin na dadalo lang sila sa picnic date.
Pagdating sa lugar, um-acting pa raw si Rocco na kunwari ay naunahan sila sa venue dahil 'tila gagamitin ang lugar para sa shooting ng isang music video.
“Sasabihin ko na, 'Ano ba 'yan! Hindi itutuloy natin 'to, wala akong pakialam. Magpi-picnic tayo rito.'
“Nakatulala na si Mel no'n, hindi niya alam kung ano nangyayari tsaka medyo nahihiya siya kasi nagagalit ako.
“Pero pagtapak du'n sa pathway, sumenyas ako du'n sa brother ko na, 'Abot mo na 'yung jacket,' kung saan nandu'n 'yung singsing,” kwento ni Rocco.
Source: nacinorocco (IG)
Sabi pa ng aktor, pangarap pala ng professional volleyball player na magkaroon ng dreamy wedding proposal, tulad ng inihanda niya.
“Malaman-laman ko, dream niya pala 'yung gano'n. Pangarap niya pala 'yung very dreamy na proposal. Kaya iyak siya ng iyak kasi nu'ng naglalakad kasi sabi niya, 'Oh my goodness, ito na ata 'yon,” dagdag pa niya.
Si Rocco rin umano ang nagdisenyo ng teardrop engagement ring na ibinigay niya kay Melissa. Aniya, ito ang pangarap na matanggap ng fiancé niya bilang engagement ring.
“It took me months to design the ring. It took me months para pag-usapan 'yung anong setup na gagawin,” aniya.
Source: nacinorocco (IG)
Suportado rin umano ng mga pamilya nila si Rocco.
“Second surprise sa kanya na pagpasok dito, nandito 'yung buong pamilya niya, pati 'yung pamilya ko.
"So, 'yun iyakan ulit. Talagang naramdaman niya na full support 'yung families namin,” aniya.
Sa kasalukuyan ay pinag-uusapan na raw ng newly engaged couple ang detalye ng kanilang magiging kasal.
Kung hindi nag-load nang maayos ang video sa itaas, maaari itong panoorin DITO.