
Isang araw matapos ang kanyang 33rd birthday, ibinunyag ni Alex Gonzaga sa kanyang latest vlog na ikinasal na sila ng kanyang fiancé na si Lipa City councilor Mikee Morada.
Noong Nobyembre nangyari ang kanilang intimate wedding na ginanap sa bahay ng actress-vlogger sa Taytay at dinaluhan ng kanilang immediate families, kabilang ang kapatid ni Alex na si Toni Gonzaga.
"Isa na po akong maybahay at isa na po akong wife. Mrs. Morada na ko," kinikilig na sambit ni Alex.
Ayon sa previous vlog ni Alex, Oktubre pa dapat sila ikakasal ni Mikee ngunit naudlot ito matapos mag-positibo ang dalawa sa COVID-19. Ang ama at ina ni Alex na sina Pinty at Bonoy, at maging ang personal assistant niyang si Sofie ay nahawahan din ng virus.
Humingi naman ng paumanhin si Alex sa kanyang supporters, na kung tawagin niya ay 'netizens,' dahil isinikreto nila ni Mikee ang kanilang pag-iisang dibdib sa publiko.
Ika niya, "I am very, very sorry, netizens, if hindi ko na-i-share sa inyo agad ang nangyari. It's because we want to celebrate together as a family muna. Siyempre, alam namin 'yung timing din and alam namin na may pandemic so we just want to keep it for ourselves for a little a while to celebrate."
Bagamat sa susunod na taon pa magaganap ang grand wedding nina Alex at Mikee, minabuti nilang makasal sa isang simpleng seremonya muna dahil hiling ito ng kanilang mga magulang.
Paliwanag ni Alex, "This wedding is really for our parents kasi, siyempre, 'yung nangyayari ngayon it's very uncertain.
"Hindi natin alam kung kelan matatapos ang pandemic, siyempre, gusto namin to seal the deal na nandito kaming lahat nakaka-celebrate."
Birong dugtong pa niya, "Okay fine, aminin ko na, gusto ko na s'ya kasi makatabi sa kama pero ayaw pa ng mommy at daddy ko. Sabi n'ya alam n'yo, ikasal na kayo so ngayon, okay na. Approved na ni Pinty at Bonoy."
Patuloy pa ni Alex, "Kahit nasa tamang edad na kami, kung ano 'yung request ng magulang ko, ginalang ni Mikee and nirerespeto namin na kung sakali man na gusto namin magsama, maikasal kami."
Bago ipakita ang mga nangyari sa kanilang intimate wedding, nagbitaw ng payo si Alex sa mga nais makilala ang kanilang 'the one.'
Aniya, "Sa lahat ng mga nanonood nito na hopless na or naghahanap ng 'the one' nila, alam n'yo kumapit lang kayo. Kasi there was a time in my life na 'yung mga request ko kay Lord, akala ko hindi na ibibigay ni Lord and impossible na maibigay sa 'kin. Pero you just have to wait for God's perfect time, ibibigay n'ya talaga kung ano 'yung ni-request mo, eksaktong eksakto."
Panoorin ang buong vlog dito:
Samantala, narito ang ilan pang showbiz personalities na ikinasal sa gitna ng COVID-19 pandemic.