
Muling naging laman ng Instagram feed ni Alwyn Uytingco ang kanyang estranged wife na si Jennica Garcia matapos ang matagal na panahon.
Dito ipinahayag ni Alwyn ang kanyang pagmamahal sa dating asawa kalakip ang larawan nito na may hawak na sunflower and chocolate bouquet.
"Ang dami ko gusto sabihin. Pero hindi kayang ipaliwanag ng mga simpleng salita. Hindi ko 'to gustong pahabain pa. Ang gusto ko lang malaman mo, at wag na wag mong kakalimutan.. mahal na mahal kita," sulat ni Alwyn.
Maaaring hindi pa muli nagkikita si Jennica at tatay ng kanyang dalawang anak na sina Mori at Alessi dahil lumang larawan ang ipinost ni Alwyn. Ang nasabing larawan ay kuha noong 10th anniversary nila ni Alwyn noong nakaraang taon.
Nananatiling tikom ang bibig ni Alwyn sa hiwalayan. Gayunpaman, marami ang umaasa na magkakabalikan ang dalawa tulad ni Joshua Zamora.
Komento ng dancer/actor sa post ni Alwyn, "Dito lang kami bro, we're rooting for a big surprise. God is good all the time."
Samantala, tila may pasaring ang ina ni Jennica na si Jean Garcia sa Instagram.
Walang direktang tinutukoy ang batikang aktres sa kanyang post na quote artcard na tungkol sa pagpaparaya mula sa relasyon.
Saad dito, "You can love someone with all your heart, but if they're not going to be a good person for you, in your life, then it's time to just say goodbye."
Tipid naman ang naging caption ni Jean sa post na may mga salitang "Just saying," kalakip ng yellow heart at sunflowers emojis.
May ilan ang naniniwalang si Alwyn ang pinasasaringan ni Jean dahil sa sunflower emoji sa caption ng aktres na nagpapahiwatig na mga bulaklak na ibinigay ng aktor kay Jennica sa kanilang anniversary.
Matatandaang unang inamin ni Jennica Garcia na hiwalay na sila ni Alwyn sa exclusive interview ng GMANetwork.com noong Mayo.
Dito binigkas ni Jennica ang mga salitang "From a family-of-four, we are now just a family-of-three" bilang pagkumpirma sa ispekulasyong break na sila ni Alwyn. Gayunpaman, patuloy pa ring ginagamit ni Jennica ang apelyidong Uytingco sa kanyang social media pages.
Samantala, sa kabila ng kinakaharap na isyu, abala si Jennica sa kanyang upcoming soap sa GMA na Las Hermanas kung saan gaganap siya bilang Brenda.
Makakasama ni Jennica sa Las Hermanas sina Yasmien Kurdi, Thea Tolentino, Faith Da Silva, at nagbabalik-Kapusong si Albert Martinez.