
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagbigay ng pahayag ang model-vlogger na si Trina Candaza, ang dating kinakasama ng aktor na si Carlo Aquino. Ito ay kaugnay sa isyu ng sustento at panahon na makasama ni Carlo ang anak nila ni Trina na si Mithi.
Kamakailan ay naging laman ng entertainment news ang mga naging pahayag ni Carlo matapos nitong sabihin na hindi nito nakikit ang anak simula noong Nobyembre ng nakaraang taon. Nais daw ng aktor na mahiram sana ang anak tutal naman daw ay siya ang nagpo-provide para sa mag-ina. Bagay na inalmahan ni Trina.
"'Yung mga headline na hindi ko raw pinapahiram si Mithi at siya raw ang bumubuhay sa aming dalawa... Nakaka-offend sa part ko 'yun, kasi nagtatrabaho rin ako," sagot ni Trina sa kanyang first-ever interview sa YouTube channel ni Ogie Diaz.
Paliwanag ni Trina, pinupunan niya rin ang kakulangan ng binibigay ni Carlo para sa kanilang anak, at siya rin mismo ang nag-aalaga rito. "That's not true. I also pay [for] half of our expenses. So para sa akin, dalawa kaming nagpo-provide.
"Ako 'yung nag-aalaga, ako 'yung nandyan [sa tabi ng bata], ako 'yung nagpupuyat. Ako 'yung nag-ha-handle ng tantrums at pagdidisiplina sa anak ko, yet kailangan ko rin mag-provide."
Saad pa ni Trina, "Ito napansin ko lang... kapag ang lalaki nagbigay ng sustento for a month, mabuting tatay na sila. Pero kapag sa mga single moms, nagtatrabaho kami, inaalagaan namin 'yung anak namin. Pero once na...may mali kaming magawa, masamang ina na kami."
Panahon sa bata
Sa usapin naman ng oras na makasama ni Carlo ang anak, ani Trina, hindi niya ipinagdadamot si Mithi, subalit may mga rules siya na gusto mangyari.
"Ang sa akin lang, kapag kukunin niya si Mithi, gusto ko, si Mithi lang sana. Mamili siya kung kanino niya i-spend 'yung time niya. Sa daughter niya, sa new girl niya, or sa friends niya. I think Mithi doesn't deserve na may kahati sa time."
"Respect na lang sa akin, na huwag munang ipakilala si Mithi sa mga panibagong partner. Kasi ayaw ko ring i-instill sa utak ng anak ko, sa values niya, na okay lang magpapalit-palit ng partner. If ever man dumating 'yung panahon na may papakasalan na siya, siguro 'yun kailangan na namin magkita kita."
Dahilan ng hiwalayan
Ayon kay Trina, matagal na silang may problema sa relasyon ni Carlo at kahit anong pilit nilang ayusin ang mga isyu ay napagdesisyunan nilang maghiwalay na lang.
"Siguro kahit noong kapapanganak ko pa lang kay Mithi, nag-start na. I tried naman na mag-stay ng ganun. Pero hindi mo rin masasabi 'yung emosyon mo, eh. Mararamdaman mo talaga kung may pain. I tried naman pero hindi ko na kaya."
"Kung gusto niya makipag-usap privately, open ako. Sana bukas din ang isip niya. Sana intindihin niya rin ang situation kasi ako 'yung nasa bahay, ako 'yung kasama ni Mithi."
SAMANTALA, TINGNAN ANG FAMILY PHOTOS NINA CARLO AQUINO, TRINA CANDAZA AT ANAK NILANG SI MITHI SA GALLERY NA ITO: