
Paraan umano ng OPM icon at batikang singer-songwriter na si Rey Valera upang makapagsulat ng mga awitin ay ang pagtungo sa sementeryo.
Sa pagbisita ni Rey sa Fast Talk with Boy Abunda, ikinuwento niya sa TV host na si Boy Abunda na nakikitira lamang siya noon sa kaniyang kamag-anak sa Bulacan at madalas siya noong tumatambay sa sementeryo upang gumawa ng kanta.
“Ano ba ang papel ng sementeryo sa iyong pagiging manlilikha?” tanong ni Boy kay Rey.
Kuwento naman ng batikang OPM artist, “Galing ako sa broken home pero tapos na 'yon. Ibig sabihin, nakikitira lang ako sa kamag-anak sa Bulacan, sa Meycauayan.
“Siyempre kapag nakikitira ka lang sa kamag-anak mo, siyempre papel mo 'yung inuutus-utusan. Para hindi ako mautusan, pumupunta ako sa sementeryo para gumawa ng kanta.”
“Wala naman akong nakitang multo” biro pa niya.
Sunod na tanong ni Boy, “Anong hit ang nagawa mo sa sementeryo?”
Dito na inawit ni Rey ang ilan sa mga hit song niya na “Maging Sino Ka Man” at “Naaalala Ka.”
Ang dalawang awitin na ito ay isinulat niya habang siya ay madalas na namamalagi noon sa sementeryo.
Samantala, muling mapapanood si Rey ng live sa Newport Performing Arts Theater sa darating na August 4, kung saan makakasama niya ang singer-comedienne na si K Brosas.
Patuloy na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.