
Ipinakita ni Rhian Ramos sa kanyang YouTube channel ang kanyang hotel room sa Tagaytay kung saan siya nanatili nang halos isang buwan nang mag-participate siya sa lock-in taping ng Love Of My Life noong nakaraang buwan.
Ang hotel room ng cast ay nagsilbi ring stand by area kapag wala sila sa eksena.
Kasama ni Rhian sa kwarto ang kanyang road manager na si Rach Librado.
Sa kanyang vlog, nag-room tour ang aktres at ipinakita ang mga bagay na kanyang dinala sa closed group shoot ng Love Of My Life na pinagbibidahan nila nina Carla Abellana, Mikael Daez, at Coney Reyes.
Una nang nakaranas si Rhian ng lock-in taping nang mapabilang siya sa drama anthology na I Can See You, kung saan niya nakasama sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo, kaya may ideya na siya kung ano ang mga dapat dalhin sa 'new normal' taping ng Love Of My Life.
Bukod sa karaniwang taping essentials gaya ng mga damit, pagkain, at lutuan, natutunan ni Rhian na magdala ng isang portable washing machine kung sakaling kailangan nilang maglaba ng damit.
Mahalaga rin daw na magdala ng cleaning materials gaya ng walis-tambo. Aniya, sila mismo ng kanyang road manager ang naglilinis ng kanilang kwarto kahit pa may housekeeper na maaaring gumawa nito.
Ika niya, "We actually made it a point to bring more cleaning materials to this lock-in taping because something we experienced sa I Can See You, you don't have the hotel staff constantly coming into your home as if it was a vacation. So we needed to make sure that we clean our own place."
Nagdala rin ng massage chair si Rhian para makapag-relax kapag naka-break o day off nila.
Samantala, ibinahagi ni Rhian na sariling sikap din ang kanyang makeup at styling dahil wala silang makeup artist, hair stylist, at wardrobe sa lock-in taping dahil nililimitahan ang tao rito.
Sa isang Instagram post, ishinare niya ang kanyang mga outfit bilang si Kelly.
Sa kabila ng mga pagbabago dulot ng COVID-19 pandemic, thankful pa rin si Rhian dahil naitawid nila nang maayos ang lock-in taping ng Love Of My Life.
"It's amazing what we were able to achieve despite all challenges," sulat niya sa hiwalay na Instagram post.
Unang umere sa telebisyon ang Love Of My Life noong Pebrero. Matapos ang isang buwan, nahinto ang pagpapalabas nito sanhi ng enhanced community quarantine na nagdulot para matigil ang produksyon nito.
December 28 nang magbalik ang serye sa telebisyon. Nagkaroon ito ng 15-day recap.
Ipapalabas ang all-new epsiodes ng Love Of My Life simula ngayong Lunes, January 18, pagkatapos ng Anak ni Waray vs Anak ni Biday sa GMA-7.