
Pinabulaanan ng kampo nina Rhian Ramos at Michelle Dee ang reklamong pagkulong at pambubugbog ng personal assistant at driver ng una.
Nitong Miyerkules, January 28, lumabas ang balitang inireklamo ng nagpakilalang personal assistant at driver ni Rhian Ramos ang aktres at kaibigan niyang si Michelle Dee. Nadawit din ang pangalan ng beauty queen na si Samantha Panlilio, dalawang bodyguard umano ni Rhian, at dalawang miyembro ng PNP.
Sa pamamagitan ng isang pahayag, sinabi ng abogado nina Rhian at Michelle na si Maggie Garduque, hindi pa natatanggap ng dalawang aktres ang alleged complaint laban sa kanila. Sasagot umano sila sa oras na natanggap na ang sinasabing reklamo.
Ngunit giit ng dalawang aktres, walang insidente ng illegal detention lalo an at residente naman ng condo unit si alyas Totoy bilang driver ni Rhian.
Dagdag pa ni Atty. Garduque, ang huling insidente ng pagkikita ng dalawang aktres kay Totoy ay noong maghain si Michelle ng kaso para sa qualified theft. Sa katunayan, nagsauli pa umano ang dating driver ni Rhian ng gamit sa dating beauty queen.
Narito ang kabuuan ng pahayag ni Atty. Garduque:
"Our clients have not received a copy of the complaint allegedly filed against them before the NBI. They will answer as soon as they receive the copy of said complaint.
"As far as our client is concerned, there is no incident of illegal detention...as Mr. **** was a resident of the condo, being the driver of Rhian.
"The last incident of our clients with Mr. **** was when Michelle Dee filed a criminal case for qualified theft against him which he admitted and even returned some of the items to Michelle.
"Thus, our clients cannot think of any reason for initiating this complaint but a leverage and vindictive suit to said theft case.
"The last incident that [Michelle] had with the driver of Rhian is during that time na nag-file siya ng qualified theft. There were medical certificates before the arrest, and meron din namang mugshots na wala namang nakita doon sa, if there were allegations of physical injury."
BALIKAN ANG ILAN SA MGA HIGH PROFILE LIBEL COMPLAINTS NA ISINAMPA NG PHILIPPINE SHOWBIZ PERSONALITIES SA GALLERY NA ITO:
Samantala, sa tulong ng Volunteers against Crime and Corruption o VACC, nagpunta sa Bureau of Investigations sa Pasay City si alyas Totoy, ang nagpakilalang driver at personal assistant ni Rhian.
Ayon sa kanyang kuwento, pagkagaling sa isang taping pwersahan siyang iniakyat sa condo unit ng dalawang aktres, at pinaaamin tungkol sa angpao, na diumano ay kinuha niya mula sa condo unit. Naglalaman daw kasi ito ng ilang sensitibong larawan.
"Kinausap ako ng pulis, 'Nasa 'yo ba talaga?' Sabi ko, 'Wala po, sir,'" sabi ni alyas Totoy.
Pagbabahagi pa nito, ikinulong siya ng tatlong araw at paulit-ulit na binubugbog ng dalawang bodyguard ni Michelle.
"Bigla po akong ina-attack ng dalawang bodyguard, tapos 'yun, binubugbog nila ako sa loob. sinisipa ako, suntok, kahit sa gilid ng CR," sabi ni alyas Totoy.
Ngunit giit ni Totoy, wala naman sa kaniya ang hinahanap na larawan.
Pagbabahagi pa ni Totoy, kalaunan ay narinig niya ang pag-uusap ng mga bodyguard na "tatapusin" na umano siya. Dahil dito, napilitan tumakas si Totoy at tumalon sa bintana ng condo unit na nasa 30th floor.
Nakarating siya sa 25th floor bago may nahawakan na lubid at nakapasok sa isa pang kwarto kung saan siya dumaan para makababa. Ngunit sa ibaba ng building ay may mga nakaabang na ulit na bodyguardss na muli siyang dinampot at inakyat sa taas.
Noong January 19 ay dinala siya nina Michelle at Rhian sa istasyon ng pulis para ireklamo ng qualified theft. Doon, nakaranas umano siyang muli ng pananakit.
Noong January 22 naman nang makalabas si Totoy ng pulis station matapos ma-dismiss ng Makati Prosecutor's office ang reklamong inihanin sa kaniya.
Sa NBI, naipakita ni Totoy ang mga sugat na kaniyang tinamo na resulta umano ng ginawa sa kaniya. Ayon sa presidente ng VACC na si Boy Evangelista, matimbang ang ebidensya ni Totoy.
"Una, 'yung he was detained for three days, tapos physically, sinaktan siya," sabi ni Evangelista.
Ayon naman sa NBI Director na si Atty. Lito Magno, kung sapat ang ebidensya para sampahan ng kaso ang mga inirereklamo ni alyas Totoy, gagawin nila.
Ngayong Huwebes, January 29, pinanumpaan na ni alyas Totoy ang kaniyang reklamo sa NBI.
Panoorin ang report sa 24 Oras dito: