
Isa ang aktor na Richard Yap sa mga kontrabida sa bagong action-drama series na Never Say Die.
Gumaganap siya dito bilang Tomas Limjoco, isang businessman at philanthropist pero sa likod nito, isa rin palang crime kingpin.
Masaya si Richard na gumanap bilang kontrabida dahil kakaiba daw ito para sa kanya.
"Itong teleserye na 'to will be something different kasi I've always been known to do romcom (romantic comedies). Ito will be really something different for me," lahad niya.
Sinasalamin din daw ng karakter niya ang ilang hot issues sa bansa ngayong, partikular ang korapsyon at katiwalian.
"Very timely ito kasi sa lipunan natin, nakikita natin 'yung mga tao na akala natin ang bait bait, tinutulungan 'yung mga tao pero ang totoo lang, ninanakawan tayo. Sila pala ang distributor ng mga droga, sila pala ang sisira ng lipunan natin," paliwanag ni Richard.
Patuloy na panoorin si Richard Yap sa action-drama series Never Say Die, Monday to Friday, 8:55 p.m. sa GMA Prime.
May same-day replay ito sa GTV tuwing 10:30 p.m. at mapapanood din online sa Kapuso Stream.