
Sa nalalapit na eleksyon, naging mainit na usapin ang pagpasok ng celebrities sa pulitika. Ngunit para kay Fatherland actor Richard Yap, unfair na sabihin na dahilan ng political bankruptcy ang pagpasok ng mga aktor sa pulitika.
Sa pagbisita nila ni Allen Dizon sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, April 10, tinanong ng King of Talk si Richard kung ano ang reaksyon niya sa mga nagsasabi na ang pagpasok ng celebrities sa pulitika ang dahilan ng political bankruptcy.
Ang sagot ng aktor, “I think that's unfair because there are a lot of artists who have the brains to be in politics, to be in public service.”
Dagdag pa ng aktor, tinutukoy umano ng pahayag na iyon ang ilang porsyento ng mga nasa puwesto na ngayon, ngunit nilalahat na ng mga tao.
“It's a generalization, it's unfair for a lot of us,” sabi pa ni Richard.
Samantala, inamin naman ng batikang host na ang nakatawag ng kanyang pansin ay ang pagmamaliit umano sa mga artista na gustong pumasok sa pulitika. Aniya, mamamayan din naman ang celebrities at may karapatan din umanong pasukin ito.
“Kanina I liked your point, amyendahan n'yo ang batas because the constitution allows everybody who is qualified for public office. Iilan lang 'yung mga requirements na 'yan: you have to be a natural born Filipino citizen, 10-year residency, 35 years old for senators, 40 for the presidency, at isa, dalawa pa,” sabi ni Boy.
Dagdag pa ng batikang host, “Kung qualified ka doon, you have the right to do that (enter politics).”