
Tuwing sasapit ang Bagong Taon, hindi na bago sa mga artista na matanong tungkol sa kanilang New Year's resolution at mga bagay na nilu-look forward nila ngayong 2022.
Pero ngayong taon, nag-iba ang perspective ng actor/director na si Ricky Davao tungkol dito ayon sa live online bloggers' conference na Kapuso Kwentuhan noong January 5.
Guest si Ricky at kanyang co-stars sa GMA primetime series na I Can See You: AlterNate na sina Dingdong Dantes, Beauty Gonzalez, at Jackie Lou Blanco sa nasabing online blogcon na mapapanood sa official Facebook page ng GMA Network.
Pinilit ni Ricky na hindi maging emosyonal pero natural na tumulo ang kanyang luha nang magnilay tungkol sa kanyang New Year's resolution.
Bahagi niya, "Dati nako-kornihan ako sa New Year's resolution. Nakikisabay lang ako pero ilang years before natuloy 'yon 'tapos I want to lose weight, ilang years din hindi pa rin natutuloy, paunti-unti gano'n.
"Pero this past pandemic, it has taught so many things na dapat pala, and siguro ito na 'yung pinaka New Year's resolution ko, is unang-una is to be thankful.
"I'm alive, we're all alive and then that we are all blessed na we're working, a lot of people are working so sobrang blessing, thank you, thank you talaga."
Thankful si Ricky dahil sunud-sunod ang kanyang proyekto sa kabila ng pandemya. Sunud-sunod ang kanyang ginawang serye sa GMA at sa ibang istasyon mula noong 2020. Kabilang diyan ang katatapos lang na The World Between Us kung saan gumanap siyang long-lost father ni Alden Richards.
Noong nakaraang linggo, nagsimula namang umere ang current series niyang I Can See You: AlterNate na reunion project nila ng kanyang dating asawa na si Jackie Lou Blanco.
Noong 2021, nagkaroon din siya ng directorial stint sa GMA afternoon drama na Nagbabagang Luha.
Patuloy ni Ricky, "I am very thankful for all the blessings and gusto ko pang i-share lahat ng blessings na 'yon and siguro as an actor and as a director, as a worker, and as a father, and as a human being, mas gagalingan ko pa.
"I will love more, I will give more, and siguro matuto ako magsabi ng 'I love you' to all of you. I embrace all of you and always to be thankful, to be prayerful, that taught me itong pandemic talaga, it has taught me a lot."
Panoorin ang buong bloggers' conference sa video sa itaas.
Gumaganap si Ricky sa I Can See You: AlterNate bilang Lyndon, ang tyrannical at domineering adoptive father ni Nate, na ginagampanan ni Dingdong.
Tingnan ang iba pang cast members na bumubuo sa GMA primetime miniseries at ang kanilang roles dito:
Mapapanood ang I Can See You: AlterNate weekdays, 8:50 p.m., sa GMA Telebabad. Maaari ring i-stream ang full episodes nito sa GMANetwork.com o GMA Network app.