
Ipapalabas na ang bagong GMA afternoon series na Nagbabagang Luha simula August 2.
Ang nasabing serye ay hango sa kontrobersyal na blockbuster movie na pinag-usapan noong '80s na may parehong pamagat mula sa comic novel ni Elena Patron.
Tatalakayin dito ang pagtataksil ng isang dalagita sa kanyang nakatatandang kapatid matapos makiapid sa asawa ng kanyang ate.
Mula sa isang two-hour movie, higit na pinahaba ang TV adaptation ng Nagbabagang Luha para maging swak para sa isang soap opera.
Ayon sa director ng serye na si Ricky Davao, marami itong pagkakaiba sa orihinal na pelikula at factor diyan ang panahon dahil mahigit 30 taon na ang nakalilipas nang ipalabas ang blockbuster movie.
"Medyo ibang-iba na ang naging atake natin dito. Unang-una, iba na yung acting noong 1988 at saka 'yung acting ngayon. Tapos yung mga situations now, mga millennial na tayo, may millennial thinking, ibang-iba na.
"We followed all the characters' names, and siguro yung bawat character, yung mga ugali nila, yung kabutihan nila, yung kasamaan nila," bahagi ng actor-director sa panayam ni Bernie Franco sa virtual media conference ng Nagbabagang Luha.
Nagkaroon din daw ng pagkakataon na mailahad ang backstory ng isang karakter para magkaroon ng lalim ang pang-unawa ng viewers dito.
Halimbawa riyan ang espesyal na pagganap ni Jaclyn Jose sa TV version ng Nagbabagang Luha. Importante ang papel ng Cannes Film Festival Best Actress bilang ina nina Maita (Glaiza De Castro) at Cielo (Claire Castro) dahil may kinalaman ang kanyang role kung paano tatakbo ang kwento.
Paliwanag ni Direk Ricky, "'Yon talagang istrikto sa paggawa no'n pero itong situation, you know, it's a two-hour film and you're making it into a one season na 13 to 15 weeks, so syempre humaba 'yon.
"Ang nangyari, mas kinalkal namin 'yung bawat character so nabigyan ng emphasis bakit itong character naging gano'n, bakit yung ganitong character napunta doon so talagang mas nahimay namin isa-isa yung mga characters."
Hindi naman mawawala ang mga iconic lines kung saan nakilala ang Nagbabagang Luha.
Ayon sa direktor, dito siya na-pressure dahil tumatak ito sa pelikula na idinirehe ng National Artist for Cinema na si Ishmael Bernal.
Dugtong ni Ricky, "Importante ang 'akin si alex', 'mamatay ako,' iconic line yun e. Nandodoon lahat yun e pero, syempre, kasi it's an iconic line, ginawa ng actor directed by a National Artist so syempre nakaka-pressure, nakaka-challenge."
Gayunpaman, confident naman daw si Direk Ricky na magiging matagumpay ang kalalabasan ng TV adaptation ng Nagbabagang Luha dahil sa maganda nitong script.
"I'm thankful sa mga writers and I think ang Nagbabagang Luha ngayon ay mas matapang, mas sexy, mas maraming mapapakitang problema na siguro entertaining dahil mare-resolve din o 'di mare-resolve.
"Sa sobrang iba na, ako I'm speaking for myself at napanood ko ang trailer at gawa namin, medyo kapana-panabik. Medyo matapang ako sabihin na magbabaga ang hapon natin starting August 2."
Mapapanood ang Nagbabagang Luha simula August 2 pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA.