
Isa sa mga unang nakapanood ng inaabangang horror film na KMJS Gabi ng Lagim The Movie sa premiere night noong November 24 ay ang National Artist na si Ricky Lee.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com, ibinahagi ng award-winning screenwriter na nakaramdam siya ng saya at takot habang nanonood. Namangha rin siya sa ganda ng kuwento at bawat eksena sa pelikula.
“Actually, nagulat ako in a way na Pinoy na Pinoy 'yung tatlo, 'yung ibang klaseng mundo 'yung napuntahan,” sabi ni Ricky.
Dagdag pa niya, “So, siguro sanay na ako sa horror films e kasi, nakakatakot pa rin siya pero mas na-entertain ako kesa natakot.”
Kahit sanay na sa horror films, aminado si Ricky na natakot siya sa isang episode, lalo na't may katotohanan at maaaring mangyari sa kahit sinong tao.
“Well, nakakatakot 'yung exorcism kasi you feel na it can happen sa ating lahat, and ikalawa, may nati-trigger na sa mind mo may ibang napanood mo at nabasa,” pahayag niya.
Lalong natakot si Ricky nang makita ang footages na nagpapakita ng totoong nangyari sa eksena.
“And then, nakita ko na may footages pala ng totoong nangyari, lalong nakaramdam ka ng takot sa loob mo na it can happen kahit kanino,” aniya.
Bukod sa kuwento at eksena, nagustuhan niya ang mga cinematic shots na mas nagpasaya sa kanya na panoorin ang bawat detalye ng pelikula.
“Pero gustong-gusto ko rin 'yung second episode kasi ang ganda, may mix, may cinematic e. Dinala niya ako sa mundo na every shot, every scene, gusto kong pasukin, gusto kong mapanood, gusto kong makita e,” pahayag niya. “Enjoy na enjoy ako doon sa lahat ng klase ng characters doon sa episode na 'yun.”
“So more than nakakatakot 'yung episode na 'yun, although may konting takot pa rin, but more than that, mas may thrill kang naramdaman e,” dagdag ng beteranong writer.
Simulang napanood sa sinehan ang KMJS' Gabi ng Lagim The Movie noong Miyerkules, November 26.
Kabilang sa cast sina Jillian Ward, Sanya Lopez, Miguel Tanfelix, Elijah Canlas, at award-winning journalist na si Jessica Soho.
RELATED GALLERY: 'KMJS' Gabi ng Lagim The Movie' premiere night, star-studded!