
Hindi maitatanggi na nakabuo ng matibay na samahan ang cast ng GMA Prime series na The Master Cutter sa ilang buwan nilang pagsasama sa taping.
Source: GMANetwork.com
Ito ang pinatunayan ng seasoned TV-movie actress na si Rio Locsin sa kanyang panayam sa GMANetwork.com. Ginagampanan ng veteranang aktres ang role bilang Manang Cita sa The Master Cutter.
Ayon kay Rio, nakakatuwa na marami siyang natutunan na bago sa mga young co-stars niya tulad nina Shuvee Etrata, Charlie Fleming, at Sienna Stevens.
Paliwanag niya, “Nakakatuwa naman lalo na 'tong mga bagets, kasi parang hindi nauubos ang energy nila 'di ba. 'Pag kuwentuhan ang dami mo nakukuhang bago.”
“Tsaka, bago 'yung mga terms nila, 'yung mga lugar na napupuntahan nila. Nakakadagdag din sa knowledge ng seasoned [stars]. Nakakadagdag sa akin na, 'Ay! Iba na talaga 'yung generation ngayon,'” pag-amin ni Rio.
Dagdag niya, “Marami silang bagong input na hindi mo alam, marami rin silang puwedeng gawin na hindi mo inaasahan. Nakakatuwa rin na nakakasama mo rin sila ngayon.”
Bilib din si Rio sa director nila sa The Master Cutter na si Dominic Zapata sa pagiging “perfectionist” nito.
Aniya, “Madalas ko nang nakakatrabaho si Direk Dom, kaya parang ano naman ako kampante naman ako sa kaniya. At alam ko hindi niya siya papayag na hindi maganda 'yung project.”
“Napaka-perfectionist nun e, kahit gaano kaliit- walang maliit na eksena, walang malaking eksena para sa kaniya. Kailangan pagandahin lahat ng eksena. Kaya 'di ba 'pag ganun 'yung director mo na sa bawat eksena gusto niya pagandahin lang. Siyempre, 'yung kabuuan niyan talagang magiging ganda.”
Matutunghayan ang maaksyon adventure ni Atoy na ginagampanan ni Dingdong Dantes sa The Master Cutter sa GMA Prime, pagkatapos ng 24 Oras. At puwede n'yo ring mapanood sa GTV ang delayed telecast sa oras na 9:45 p.m.
RELATED GALLERY: Strong chemistry powers 'The Master Cutter' cast