
Hindi lang sa All-Out Sundays stage magpapamalas ng talento ang ilang Kapuso artists, dahil bibida rin sila sa isang highly anticipated na musical play ngayong taon.
Malapit na itanghal ang Liwanag sa Dilim, isang Filipino musical na itinatampok ang hit songs ng OPM singer na si Rico Blanco.
Kasama sa cast ang talented na Kapuso stars na sina Rita Daniela, Khalil Ramos, Anthony Rosaldo, at Brianna Bunagan.
Ayon sa isang panayam kay Lhar Santiago, excited na ang Kapuso singers sa musical. Sabik na rin silang makabalik sa entablado at magtanghal sa teatro.
"It kind of feels like coming home kasi since I did theater first before I did TV acting so it's a very familiar kind of working environment," kuwento ni Brianna.
Inamin din nila na hindi biro ang mga pagsubok na kanilang hinarap sa paghahanda para sa awaited musical.
"So ito 'yung first na original musical na part ako mag-o-originate ng character so this is very challenging," ani Anthony.
"Kapag napanood n'yo po itong musical na ito, maintindihan n'yo kung gaanong preparasyon 'yung ginawa ko dito," sabi ni Rita.
Dagdag naman ni Khalil, "Noong una ko silang na-meet lahat, talagang medyo natakot 'yung introvert self ko. Nagtago ako sa corner. But I had to learn to connect with each and everyone of them."
Kasama rin ng Kapuso stars ang iba pang talented singers na sina CJ Navato, Vien King, Nicole Omillo, Alexa Ilacad, Arnel Carrion, Neomi Gonzales, Boo Gabunada, Jon Abella, Raul Montesa, Jasper John Jimenez, Rica Laguardia, Lani Ligot, Chez Cuenca, Paji Arceo, Iya Villanueva, Mark Tayag, Lucylle Tan, at Denzel Chang.
Ipapalabas ang Liwanag sa Dilim sa RCBC Plaza ng Makati City, simula March 7.
Samantala, silipin ang listahan ng mga artista na nasa showbiz at teatro, dito: