
"Doing so much better" na umano si Kapuso singer and actress Rita Daniela matapos mahatulan ng guilty ang aktor na si Archie Alemania para sa kasong acts of lasciviousness.
Sa pagbisita nila ng boyfriend na si Mclaude Guadaña sa Fast Talk with Boy Abunda nitong November 3, kinamusta ni King of Talk Boy Abunda si Rita matapos lumabas ang desisyon ng Bacoor Municipal Trial Court.
“I'm doing so much better. So much better, and it's not easy to be in this position now. As much as I want to give time for myself na 'wag sana kaming magmadali, pero I have to, Tito Boy, as hindi naman puwedeng ganu'n na lang ako forever, pinilit kong maging okay,” sabi ni Rita.
BALIKAN ANG ILAN SA MGA BREATHTAKING PHOTOS NI RITA SA GALLERY NA ITO:
Pagbabahagi pa ng isa sa mga Queendom Divas, sumailalim siya sa therapy. Naging malaking tulong man umano ang kaniyang pamilya at mga kaibigan, kinailangan pa rin niyang kumausap ng therapist para malampasan ito.
“Hindi siya basta lang na sabihin mong kumausap lang ako ng kaibigan o kasama ko lang ang pamilya ko. Kailangan kong pagdaanan 'yun para malagpasan ko at makapunta ako kung nasaan ako ngayon,” ani Rita.
Nang tanungin naman siya ng batikang host kung nasa “good place” ba siya ngayon, ang sagot ni Rita, “Yes, yes.”
Matatandaan na unang nagsampa ng kasong acts of lasciviousness si Rita laban kay Archie noong 2024 matapos ang thanksgiving party ng GMA Network noong September. Kuwento noon ng aktres, puwersahan siyang hinalikan at hinipuan ng aktor, at nagbitaw ng malalaswang salita.
Nagsampa naman ng counter-affidavit si Archie at idiniin na hindi siya guilty sa alegasyon ni Rita sa kaniya.
Panoorin ang panayam kay Rita rito: