
Sa kauna-unahang pagkakataon, inamin ng celebrity mom na si Rita Daniela sa Fast Talk with Boy Abunda na totoong nagkagusto siya sa kanyang kaibigan at dating on-screen partner na si Ken Chan.
Kuwento ni Rita sa TV host na si Boy Abunda, “'Yung nangyari sa amin ni Ken, it's an almost love story. Kasi 'yung almost 'yun 'yung masakit 'di ba? It's like so close yet so far.”
Ayon kay Rita, hindi niya itatanggi na nahulog talaga siya kay Ken noon. Dala ng kanilang madalas na pagsasama bilang love team na RitKen, na-develop ang feelings ng aktres para sa aktor.
“Ako rin po actually, hindi rin ako naniniwala nung [una na] 'yung mga love team, 'Hindi totoo 'yan kasi work lang 'yan e.' Sobrang nagulat ako doon sa konsepto na, 'Ay kasi magkasama kayo araw-araw,' nade-develop pala talaga,” ani Rita.
Aminado rin si Rita na matagal silang hindi nag-usap ni Ken dahil masyado siyang nasaktan sa kanilang naging problema.
Aniya, “Actually we stopped talking for a long time. I had to give time for myself because 'yung nangyari sa amin ni Ken, I just didn't lose a friend, I lost a best friend and a family in one. That was very painful for me.”
Paglilinaw ni Rita, maayos na ang relasyon nila ngayon ni Ken at sa kabila ng kanilang pinagdaanan ay ang aktor pa rin aniya ang itinuturing niyang best friend.
“But you know okay naman kami, naging okay naman kami. Actually nung nakita kami ulit, nasabi ko sa sarili ko…sabi ko sa kanya, 'Ken alam mo, na-realize ko sa sarili ko na ikaw pa rin talaga 'yung best friend ko.' Kasi after all siya pa rin talaga 'yung kilalang kilala ako, 'yung tingin lang, nagkakaintindihan na kami, and I think okay na kami sa ganun na nagkakaintindihan kami.
“Kung ano man 'yun, okay na 'yun,” anang aktres.
Huling nagtambal sina Rita at Ken sa GMA Afternoon Prime series na Ang Dalawang Ikaw, at sa 2021 Metro Manila Film Festival entry na Huling Ulan Sa Tag-Araw.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
BALIKAN ANG SWEETEST PHOTOS NINA RITA DANIELA AT KEN CHAN SA GALLERY NA ITO: