
Unti-unti nang nakikilala ang pangalan ng Gen Z Crooner na si Rob Deniel sa larangan ng musika.
Katulad ng ibang mga sumusikat sa showbiz, posibleng humarap din ang binatang singer-songwriter sa mga intriga. Kaya naman, tanong ng marami, handa na ba siya?
“Ako po, kung saan dalhin talaga ng buhay po,” sabi ni Rob sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes.
Pagpapatuloy pa ng singer-songwriter, “Ako, Tito Boy, kahit ano po ang mangyari sa 'kin sa buhay ko, parang hindi ko siya ite-take for granted. Pero 'yung mga ganu'ng bagay po, 'yung mga feeling ko hindi mo maiiwasan talaga when it comes to showbiz.”
KILALANIN ANG ILAN SA MGA POWERHOUSE SINGERS NG KAPUSO NETWORK SA GALLERY NA ITO:
Ayon kay Rob, hindi naman talaga pagiging singer ang naging pangarap niya noong kabataan. Sa halip, gusto niya noon maging isang propesyunal na basketball player.
“Sumali ako ng liga, basketball league, 'tapos sumali ako sa varsity team nu'ng mga time na 'yun. Then, ayun, nu'ng nag-high school, parang hindi na ako masyadong tumangkad,” sabi ni Rob.
Sabi ng singer-songwriter, naging tulay ang kaniyang ama para mapunta siya sa larangan ng musika noong regaluhan siya nito ng gitara isang araw.
“One time parang tulog ako nu'ng time na 'yun, ta's umuwi sila galing work, may dala na siyang gitara nu'n Tapos nagising ako nu'n, parang panaginip pa lang, 'Uy, may gitara du'n.' 'Tapos. natulog ulit ako. Tapos kinabukasan, 'Wow! May gitara sa bahay!'” sabi ni Rob.
Bilang mahilig sa musika ang kaniyang ama, sinuportahan siya nito at nag-print pa ng mga chords ng hit songs at inilagay sa isang folder para pag-aralan niya. Bukod pa dito, natuto rin siyang tumugtog sa panonood niya ng tutorial online.
Related gallery: Rob Deniel, ibinahagi ang simula ng kaniyang paglalakbay sa musika
Naging tulay din ang mga kanta ni Ogie Alcasid na “Nandito Ako” at “Ikaw Sana” na kinover ng kanilang banda para makilala siya. Kaya naman, malaki ang pasasalamat niya sa batikang singer-songwriter, lalo na at itinanghal din niya ang mga awiting ito sa harap ng singer.
“Sobrang thankful po ako kay Sir Ogie for the song and then 'yung suporta niya rin sa akin nu'ng pinerform ko sa harap niya 'yun,” Sabi ni Rob.
Panoorin ang panayam kay Rob sa video sa itaas.