
Sa isang espesyal na partisipasyon, gumanap si Robert Seña bilang ang yumaong patriarch na si Edison Chan sa GMA Telebabad series na Mano Po Legacy: The Family Fortune.
Maikli man ang kanyang pagganap sa serye, naging mahalaga ang kanyang karakter dahil ang kanyang pagkamatay ang nagsimula ng power struggle sa pamilya.
Napapanood si Robert sa mga flashback na nagbigay linaw sa mga dahilan ng ilang mahahalagang pangyayari sa serye.
"Marami akong mami-miss, lalo na noong nabubuhay pa ko, lahat ng aking kalokohan. Biro lang," ani Robert.
Ayon sa aktor, lubos niyang ikinagalak maging bahagi ng Mano Po Legacy: The Family Fortune.
"Actually, masaya ako na naging parte ako ng 'Mano Po Legacy' kahit na unti unti lang ang aking labas. Naramdaman ko ang magandang samahan mula sa EP (executive producer), direktor, crew, hanggang sa artista. 'Yun ang mami-miss ko at hindi ko makakalimutan. Maganda ang pagtanggap nila sa mga artista nila," lahad niya.
Kaya naman sa huling linggo ng serye, nagpasalamat si Robert sa lahat ng sumubaybay dito.
"Sa mga nanood at tumutok sa 'Mano Po Legacy,' maraming maraming salamat sa inyo. Hanggang sa muling pagkikita! Malay mo, 'di ba? Xie xie (Thank you)," pahayag ni Robert.
Samantala, sa huling limang araw ng Mano Po Legacy: The Family Fortune, umalma na si Cristine (Sunshine Cruz) dahil may inosenteng tao na namang napahamak dahil sa kanilang pamilya.
Napaamin naman ni Anton (David Licauco) si Jameson (Nikki Co) sa mga kasalanang nagawa niya.
Tumutok sa huling limang araw ng Mano Po Legacy: The Family Fortune, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 pm sa GMA Telebabad.
Huwag din palampasin ang same-day replay nito mula Lunes hanggang Huwebes, 11:30 pm at Biyernes ng 11:00 pm sa GTV.