
Matinding suporta ang ibinibigay ng action star-turned-senator na si Robin Padilla para sa Kapuso actress at kaniyang anak na si Kylie Padilla na bibida sa inaabangang mythical primetime mega serye ng taon na Mga Lihim ni Urduja.
Marami ang nag-aabang sa pagganap ni Kylie bilang si Gemma Davino, isang rookie cop na makakasama ni Crystal Posadas (Gabbi Garcia) sa isang misyon upang hanapin ang mga nawawalang hiyas ni Hara Urduja (Sanya Lopez), kabilang na rito ang kaniyang ama.
Sa social media, ibinahagi ni Robin ang kaniyang kaalaman tungkol sa legendary warrior princess na si Urduja na pinaniniwalaang nagmula sa Pangasinan.
“Sino ka nga ba, Princess Urduja?
“Abangan sa teleserye ng GMA 7 Kapuso Channel. Pinagbibidahan ng aking mahal na anak, Kylie Padilla,” sulat niya.
Sa naturang palabas, ipamamalas ni Kylie ang kaniyang galing pagdating sa action at fight scenes bilang isang pulis.
Samantala, bago ang world-premiere ng mega serye ay sumailalim si Kylie sa target shooting training kasama ang kaniyang ama.
Sa kaniyang pinakabagong Instagram post, ipinasilip ni Kylie ang ilang mga larawan na kuha mismo sa kanilang training.
Nag-iwan rin ng sweet but short message ang Kapuso star para kay Robin.
Aniya, “Just like when I was a kid. I love you, pa. @robinhoodpadilla.”
Makakasama ng Jewels of Primetime na sina Kylie, Gabbi at Sanya sa mega serye ang Kapuso stars na sina Vin Abrenica, Michelle Dee, Arra San Agustin, Kristoffer Martin, Pancho Magno, Zoren Legaspi, Jeric Gonzales, at Rochelle Pangilinan.
Abangan mamaya ang pilot episode ng Mga Lihim ni Urduja, 8:00 p.m., sa GMA Telebabad.
SILIPIN ANG HIGHLIGHTS MULA SA MEDIA CONFERENCE NG 'MGA LIHIM NI URDUJA' SA GALLERY NA ITO: