
Matapos maging pangatlo sa mga nagdaang election survey, nangunguna naman ngayon ang batikang aktor at senatorial candidate na si Robin Padilla sa listahan ng partial and unofficial election results na inilabas ng Commission on Elections o COMELEC sa pagka-senador.
Sa panayam kay Robin ng award-winning journalist na si Jessica Soho sa Eleksyon 2022 marathon coverage ng GMA kagabi, aminado ang aktor na hindi niya inasahan ang pangunguna sa resulta ng eleksyon dahil sa kawalan niya ng makinarya upang iendorso ang sarili.
Aniya, "Wala po akong inaasahan na kahit ano, unang-una wala po akong kahit na ano, wala po akong makinarya, wala po akong kahit ano, pera, wala po ako niyan.
"Hindi ko po inaasahan ito, ang akin lang po ay paninindigan, ang akin lang po ay nananalig po ako sa Panginoong Diyos, at tulong-tulong lang po ng mga naniniwala sa akin, tulong ng katipunan, tulong ng mga rebolusyonaryo, 'yun lamang po. Wala akong inaasahan, sapagkat para po sa akin talaga, ang ganitong klaseng labanan po ay usapin po ito ng makinarya at pera."
Dagdag pa ng senatorial candidate, naniniwala siya na ang kanyang plataporma ang nagustuhan ng mga tao at hindi ang kanyang pagiging sikat ang dahilan ng kanyang pangunguna sa eleksyon.
"Naniniwala po ako na 'yun pong plataporma ko na charter change ng bansa, pederalismo, 'yun pong pagbibigay ng kapangyarihan sa mga lalawigan, bigyan sila ng kalayaan na sila po ay makagawa ng batas na ayon sa kanilang kultura, kanilang tradisyon, kanilang kapaligiran, doon po ako naniniwala. Hindi po ako makukumbinsi na dahil kay Robin Padilla po ito, hindi po, malabo po sigurong mangyari 'yun," ani Robin.
Masaya si Robin sa resulta ng botohan ngunit mas nangingibabaw sa kanya ngayon ang responsibilidad ng pagiging mambabatas.
Kuwento niya, "Ang pakiramdam ko po siyempre ay masaya pero lamang po 'yung responsibilidad na nakaakibat po sa atin ngayon sapagkat batid ko naman po na itong tagumpay na ito ay hindi po ito patungkol kay Robin Padilla kung hindi ito po ay tagumpay po ito ng reporma 'yung atin pong ipinaliwanag na patungkol po sa pagpapalit po ng saligang batas na charter change."
Taos-puso naman ang pasasalamat ng aktor sa lahat ng nagtiwala at sumuporta sa kanyang kandidatura.
"Ako po ay nagpapasalamat sa lahat po ng nagtiwala sa atin, sa lahat ng lumabas at bumoto sa akin at naging matagumpay po ang eleksyon na ito," aniya.
Panoorin ang buong panayam ni Robin Padillay sa Eleksyon 2022, sa video na ITO:
Samantala, silipin naman kung sino ang mga celebrities na nagpahayag ng kanilang suporta sa kanilang mga napusuan na kandidato ngayong eleksyon sa gallery na ito.