
Aminado ang action star na si Robin Padilla na wala siya sa posisyon para manghimasok sa pinagdadaanang marital woes ng anak na si Kylie Padilla at Aljur Abrenica.
Sa part two ng panayam ni Robin sa talent manager at celebrity vlogger na si Ogie Diaz ay muling iginiit nito na wala siyang karapatan para pangaralan nang labis ang mag-asawa.
“Pagdating sa marriage ano ba ma-a-advise ko? E, failure din kami ng mama niya [Kylie]. Ano'ng credibility ko?” paliwanag ni Robin.
“Sabi ko pag-Muslimin mo na lang si Aljur.”
Si Kylie ay anak ni Robin sa dating asawa na si Liezl Sicangco na nakabase sa Australia.
Matatandaang isiniwalat ni Robin kamakailan sa vlog ni Ogie na totoong hiwalay na sina Kylie at Aljur.
Sinabi rin ni Robin na third party sa panig ni Aljur ang dahilan ng hiwalayan.
Bago ang rebelasyon ni Robin ay usap-usapan na rin sa loob at labas ng showbiz na nagkakalabuan ang mag-asawa.
Ganunpaman ay pinayuhan daw ni Robin si Kylie na balikan ang mga dating hilig nito at baka makatulong para manumbalik ang sigla at kumpiyansa sa sarili.
“Sabi ko sa kanya mahirap 'yong ganyan ang sitwasyon ng puso mo tapos wala kang gagawin. Dapat mag-ensayo ka, ibalik mo 'yong fighting [spirit mo],” sambit ni Robin.
Kilala si Kylie bilang fitness enthusiast at nahilig din ito sa martial arts nung ito'y dalaga pa.
“Lumaban ka ulit. Fighter kasi 'yan, totoong fighter 'yan. Balik mo 'yong dati mo,” payo ni Robin sa anak.
Sang ayon naman si Robin na dumistansya muna sina Kylie at Aljur sa isa't-isa para makapagisip-isip.
Bukas din siya sa posibilidad na muling magkakabalikan ang dating mag-asawa pagdating ng araw.
“Pero sana huwag tumagal. Kung magbabalikan sila, 'wag nilang patagalin. Kailangan kaagad,” sabi ni Robin.
Panoorin ang Part 2 ng panayam ni Ogie Diaz kay Robin Padilla dito:
Samantala, balikan ang buhay nina Kylie at Aljur noong kasagsagan ng pandemic sa gallery na ito: