
Magkakaroon ng isang special matchup ang Kapuso actor at Jiu-Jitsu fighter na si Rocco Nacino laban sa martial artist at content creator na si Troy Legaspi sa nalalapit na Grapple Island competition.
Ang Grapple Island ay isang event kung saan magsasama-sama at maglalaban ang ilan sa mga pinaka magagaling na grapplers at Jiu Jitsu fighters na gaganapin malapit sa isang beach.
Kilala si Rocco bilang isa sa mga celebrities na nag-aral ng martial arts, partikular na ang Brazilian Jiu-Jitsu. Sa katunayan, nagtuturo pa siya ng sport sa kaniyang gym sa Antipolo.
Si Troy naman ay isang martial artist na parte ng Sambo National Team ng Pilipinas at Jiu-Jitsu practitioner. Bukod sa kaniyang mga panalo sa mga sinalihang tournaments, nakilala rin siya bilang content creator sa martial arts skits nila ni Mark Mugen.
Sa Facebook ni Troy, pinost niya ang Grapple Island Jiu-Jitsu Invitational 2025 fight nila ni Rocco. Gaganapin ang kanilang main event fight sa June 7 sa Lascasas Resort and Luxury Estate.
Caption ni Troy sa kaniyang post, “Ready for war on the mats Rocco Nacino Vs Troy Anthony Legaspi.”
Samantala, hindi pa nag-aanunsyo si Rocco tungkol sa kanilang special matchup, ngunit patuloy pa rin siyang naghahanda para sa iba't ibang laban. Kamakailan lang ay nag-flex siya ng kaniyang jiu-jitsu skills sa international competition.
Sa panayam ng GMANetwork.com kay Rocco sa Kapuso Mall Show sa Manila noong March 30, ibinahagi ng aktor na na-late siya sa naturang event dahil galing siya sa training.
“Nagte-training ako kanina for jiu-jitsu and on Saturday (April 6) kasi, lalaban ako sa isang international tournament. It's called the Marianas Open in which kapag nanalo ako ng medal, gold, silver or bronze, I get to go to Guam for free, covered na 'yun, and I get to fight for 50,000 dollars,” sabi ng aktor.
Noong April 6, lumaban umano si Rocco sa mas mataas na weight division dahil wala siyang makakalaban sa kaniyang weight class.
TINGNAN ANG CELEBRITIES NA NAG-ARAL DIN NG MARTIAL ARTS SA GALLERY NA ITO: