
Nagsilbing kuya ni Paul Salas ang kanyang fellow celebrity dance star na si Rocco Nacino sa Stars on the Floor 2026 dahil sa love advice na ibinigay niya sa kanya.
Sa panayam nila sa Fast Talk With Boy Abunda noong Lunes, February 16, pinaalalahanan ni Rocco si Paul tungkol sa pag-ibig at sa pagmu-move on mula sa kanyang nakaraang relasyon.
Ikinuwento rin ni Rocco na ibinahagi ni Paul sa kanya sa dressing room ang hiwalayan nila ng kanyang ex-girlfriend at fellow Sparkle artist na si Mikee Quintos.
“Dejavu kasi nasa dressing room kami, Tito Boy. Lumapit siya sa akin. Nag-update [rin]. Sabi ko, bigyan mo rin 'yung sarili mo ng oras,” kuwento niya.
Payo ni Rocco sa actor-dancer na mahalaga na maglaan ng oras para sa kanyang sarili.
“Hanapin mo 'yung sarili mo, and then communication should still be there kasi tayo 'yung mga makakapagbigay sa inyo ng sagot and then, don't rush things,” pahayag niya.
Dagdag pa niya, “Minsan kasi magugulat ka kapag nag-focus ka sa sarili mo, kay God, doon pa lang ibibigay sa 'yo 'yung sagot na kailangan mo, without you knowing it.”
Ibinahagi rin ni Rocco na mas mabuti na maging busy si Paul sa Stars on the Floor para ang kanyang pokus ay nasa pagsasayaw.
Inilahad naman ni Paul na nagkaroon sila ni Mikee ng “closure talk.” Inamin niya na napag-usapan nilang huwag na ipaalam sa publiko ang dahilan ng kanilang hiwalayan.
“But gusto ko lang po i-clear, it's about our goals and purpose po siguro,” paliwanag niya.
Matatandaang isinapubliko ni Mikee ang hiwalayan nila ni Paul sa kanyang panayam sa Fast Talk With Boy Abunda noong April 2025.
Mapapanood sina Rocco at Paul bilang celebrity dance stars sa Stars on the Floor 2026 tuwing Linggo, 7:15 p.m. sa GMA, Kapuso Stream, at GMA Pinoy TV.
RELATED GALLERY: Mikee Quintos and Paul Salas: A look back at their relationship