
Sasabak na sa kanyang pro-wrestling debut si Kapuso actor Rocco Nacino ngayong September!
Nag-post ng isang anunsyo sa Facebook ang Filipino Pro Wrestling na opisyal nang maglalaban sa ring sina Rocco at ang “tormentor” niyang si Gym Bro Thiago Santiago sa September 14.
“Rocco's done with the pranks, and this time, he suits up for battle to take on his tormentor, the Gym Bro Thiago. Will Nacino Heat's natural athleticism and experience be enough to be victorious or will Thiago prove that he is the ultimate wrestler to watch out for?” caption nila sa kanilang post.
Ayon sa Topend Sports, ang professional wrestling ay isang wrestling style na isa ring form ng entertainment. Isa itong stage performance na may mga elemento ng athleticism, drama, at storytelling.
Matatandaan na noong April, sa kaarawan ni Rocco, ay sinorpresa niya ang asawang si Melissa Gohing nang maging parte siya ng isang FPW match bilang isang prank. Sa naturang prank ay tinalo nila ng isa pang wrestler si Thiago, dahilan para hamunin nito muli ang aktor.
KILALANIN ANG CELEBRITIES NA NAG-ARAL DIN NG MARTIAL ARTS SA GALLERY NA ITO:
Noong June, isang nakakatuwang palitan sa pagitan nina Rocco at Thiago ang nakita sa social media. Binalikan ng professional Filipino wrestler ang naging laban nila ng Kapuso actor at kung papaano siya napahiya sa naturang laban.
“After akong pahiyain ni Rocco Nacino last Astig show, sobrang napaisip ako na sobrang hina ko ba? Alam kong ako ang pinakamalakas na wrestler sa buong Pilipinas pero ba't ako laging natatalo at pinapahiya ng kung sino-sino lang? Your gym bro needs to bounce back and become dominant again,” sabi ni Thiago.
Dito ay namalimos na siya sa FPW ng kalaban at handa siya umanong patumbahin ito.
Dito ay sinagot siya ni Rocco na napahiya lang si Thiago dahil may tumulong sa aktor at makukumpirma lang nila kung talagang mahina ang naturang professional wrestler kapag nagtapat sila ng one on one.
“Pero alam na natin ang sagot diyan. Kaya sige, work on your deadlifts. Baka sakaling makatulong. @filprowrestling baka manalo siya kapag handicapped ang kalaban niya? Kawawa naman ang bata,” sabi ni Rocco.
Sinagot naman ito ni Thiago at sinabing handa rin itong i-confirm nila ang mga sinabi ni Rocco. Dagdag pa niya ay hindi kakailanganin ng Kapuso star ng method acting para maramdaman ang sakit na dala niya.
Bukod sa pagiging aktor, kilala rin si Rocco sa larangan ng Jiu Jitsu at sa katunayan ay nanalo siya kamakailan lang ng gold at bronze na medalya.