
Isa si Rochelle Pangilinan sa mga hinahangaan ng fans sa iconic dance girl group na SexBomb Girls.
Mula sa unang batch ng grupo hanggang sa kanilang reunion concerts, makikita ang dedikasyon at pagmamahal ni Rochelle bilang leader nila.
Sa kanilang kwentuhan kasama si Vice Ganda, mas lalo pang ibinahagi ni Rochelle ang kanyang istorya sa grupo.
Bago pa man maging professional dancer ang Kapuso star, nag-umpisa si Rochelle sa mga barangay dance contest. Dito rin siya unang nakilala ng kanilang longtime manager na si Joy Cancio.
Sa panahong iyon, hindi inakala ni Rochelle na ang kanilang pagkikita ang magiging simula ng malaking pagbabago sa kanyang mundo.
"Danz Focus (dating dance group) pala 'yung pinsan ko. Sabi niya lang sa akin, 'Halika, sumayaw ka dito wala ka naman ginagawa.' Sabi ko, 'Sige, sasayaw ako.' Noong nakita ko si Ate Joy, siya rin pala nagbigay sa akin dati ng calling card," kwento ni Rochelle.
Noong nagkita muli ang dalawa sa isang dance contest ng isang noontime program, dito naisip ng celebrity dancer na maging regular member ng Danz Focus.
Kalaunan, nabuo ang unang batch ng SexBomb Girls, kasama sina Che-Che Tolentino, Janine Ramos, at Debra Ignacio.
Ngunit nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang grupo at ang kanilang manager, dahilan upang pansamantalang mawala ang SexBomb Girls.
Nang bumalik si Rochelle sa noontime show, dito na rin pumasok ang iba pang miyembro ng grupo.
"Hindi po [kami nag-away ng unang batch]. Hanggang ngayon, magkakaibigan kami," nilinaw ni Rochelle.
Nang nagpatuloy ang kanilang kuwentuhan, masayang pinuri naman ni Vice ang Kapuso dancer sa anyang impact ng mga laking SexBomb.
Isa na rito ang kanyang morena beauty na naging silbi ng kanyang koneksyon sa netizens noon.
"Maraming nagsasabi ang dami kong kamukha. Ang dami-dami mong kamukha," ani Rochelle.
Dagdag pa ng Unkabogable Star, hinangaan niya ang swabeng galaw ni Rochelle sa dance floor. Kasama na rin ang kanyang visuals at malumanay na boses.
"Ikaw kasi ang lambot ng katawan mo, pero hindi ka bastos magsayaw. 'Yung papayag 'yung nanay na panoorin ka ng anak niyang bata. Kahit ang sexy ang damit, hindi [malaswa tingnan]. May cutesy pa rin. It's wild, fierce, but it's cutesy," papuri ni Vice.
Maliban kay Rochelle, masayang ibinahagi rin ng iba pang SexBomb Girls ang kanilang mga kuwento at nakipagkulitan sa It's Showtime host.
Samantala, nalalapit na ang rAWnds 3-5 ng “Get, Get Aw!” reunion concert na gaganapin sa February 6 to 8 sa Mall of Asia Arena.
Ginanap ang kanilang unang reunion concert noong December 4 sa Araneta Coliseum.
Unang nakilala ang SexBomb Girls sa isang noontime TV variety show. Nagkaroon sila ng afternoon series na Daisy Siete at naging top recording artists sa kanilang hits tulad ng “The Spageti Song,” “Sumayaw Sumunod,” at “Bakit Papa?”
Silipin ang nostalgic highlights ng Sexbomb Girls' reunion concert isa gallery na ito: