
Natupad na ang pangarap ni Kapuso actress and dancer Rochelle Pangilinan na magkaroon ng isang film entry sa Cinemalaya.
Lubos ang kanyang pasasalamat niya nang maging bahagi ng pelikulang Child No. 82 kasama sina dancer at comedian Vhong Navarro at Pinoy Big Brother alum na si JM Ibarra.
Ipinasilip ni Rochelle ang unang araw ng shooting ng pelikula sa kanyang Instagram account.
Makikita ditong naglalagay ng sunblock sa mukha ang aktres habang nasa loob ng sasakyan.
Kalaunan ay nag-maneho na siya mula Maynila patungong Ilocos Norte kung saan ishu-shoot ang pelikula.
"Babyahe na kami ng Ilocos Norte!" lahad ni Rochelle sa video.
"Whoo, sunblock! Ang layo ng byahe. Bakit tayo babyahe ng Ilocos? Para sa Child No. 82 na Cinemalaya entry movie," pagpapatuloy niya.
Ipinakita ni Rochelle ang ilang tanawin na nadaanan niya sa mahabang drive niya patungo sa probinsiya.
Bahagi rin ng video ang ginawa niyang scriptreading kasama ang co-star na si JM at direktor ng pelikula na si Tim Rone Villanueva.
"Samahan nyo ako unang araw papuntang Ilocos para sa shooting ng Child No. 82! Lets gow! #ChildNo82," sulat niya sa caption ng kanyang post.
Ang Child No. 82 ay kuwento ni Max (JM Ibarra), binatang kailangan patunayan na siya ang ika-82 anak ng yumaong sikat na action-fantasy movie star na si Maximo "Boy Kana" Maniego Jr. (Vhong Navarro) para makatanggap ng porsiyento ng pamanang iniwan nito para sa mahigit 80 niyang mga anak.
Isa ito sa sampung full-length entries para sa 21st Cinemalaya Philippine Independent Film Festival.
Ang tema ng Cinemalaya ngayong tayon ay "Layag sa alon, hangin, at unos."
Tatakbo ang prestihiyosong film festival mula October 3 hangang 12 sa Shangri-La Plaza.