
Itinuturing noon ang SexBomb Girls bilang kauna-unahang P-Pop girl group ng bansa, at ang ilan sa mga pinakamaganda at sexy na napapanood noon sa TV. Ngunit dahil din dito ay nakatanggap ng diskriminasyon ang mga miyembro nito at ayon sa lider ng grupo nito na si Rochelle Pangilinan, maraming beses itong nangyari.
“Kasi po dati, pwedeng mag-tangga. Siguro galing sa '80s na okay mag-tangga sa screen and nakikita mo lang is pure talent naman kasi na sumasayaw, naka-tangga,” pagbabahagi ni Rochelle sa vlog ni Karen Davila.
Sa katunayan, pinatawag pa ang grupo nila sa senado noon at tila gusto silang ipatanggal sa noon time show kung saan sila nagtatanghal bilang back-up dancers.
“Parang pinapatanggal yata kami nu'ng mga panahon na 'yun kasi nagiging cause daw kami ng rape kasi sobrang sexy ng suot namin, naka-bra sa TV,” sabi ni Rochelle.
Pag-amin ng dancer-actress, blessed man sila dahil napapansin ang kanilang grupo, sobrang nasaktan din sila sa mga paratang sa kanila, lalo na ng tawagin silang bad influence sa mga kabatan.
Ngunit para kay Rochelle, maaaring tama naman ang pagkakabansag sa kanila, “Sa totoo po, minsan, meron. Dumarating 'yun e. Siyempre minsan hindi ko na sinasabi kasi may pagka-Maria Clara pa rin ang mga Pilipino, e. Pero ito kami, kung titingnan mo po 'yung side na ganu'ng side, baka nga. Kasi ang sexy namin, e. Ang lala ng giling namin, 'yung sobra, baka nga.”
Pero para kay Rochelle, kung ano man 'yung “bad influence” nila sa kabataan noon ay naghilom na.
“Kasi 'yung mga pinalaki ng SexBomb ngayon, kung paano kami nakatulong sa kanila sa panahon na marami silang pinagdadaanan nu'ng kabataan nila, lalo na gusto nilang maging SexBomb, nakapagbigay kami ng inspirasyon sa ibang tao sa kabila ng bina-bash kami noon,” sabi ni Rochelle.
Sa pagbisita kamakailan nina Jopay Paguia at Joy Cancio sa Fast Talk with Boy Abunda, ibinahagi nilang mas maayos na ngayon ang trato ng publiko sa mga mananayaw tulad nila.
TINGNAN ANG ILANG LITRATO SA NAGANAP NA 'GET, GET, AW!: THE SEXBOMB REUNION CONCERT SA GALLERY NA ITO: