
Binigyang linaw ng dating SexBomb Dancers na sina Rochelle Pangilinan at Sunshine Garcia ang kumakalat na balita noon na may away at galit umano sila sa dating manager na si Joy Cancio.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, November 5, tinanong ni King of Talk Boy Abunda sina Rochelle at Sunshine kung totoo ba na nakaaway nila ang dating manager na si Joy.
Ani Rochelle, “Wala po. Kami po? Hindi po.”
Paglilinaw ni Sunshine, wala naman naging away sa pagitan nila at ni Joy noon. Ngunit pag-amin niya, noong nagkahiwalay ang grupo ay hindi na nila napag-usapan talaga kung ano ang nangyari.
Inamin din ni Rochelle na wala silang naging closure sa nangyari, “Kasi ang nangyari sa 'min, isang araw, hindi na lang kami nagkita, hindi na lang kami pumasok. Naging dalawang araw, naging one week, naging one month, naging one year, naging dalawang taon, hanggang sa sanay na lang kami na hindi kami nagkikita-kita.”
Sabi pa ni Sunshine, “Parang hindi namin alam kung kailangan pa ba natin i-open, hayaan na lang natin, kasi baka mamaya 'pag in-open natin, merong mga sugat na mabuksan ulit, lumala.”
TINGNAN ANG SISTERHOOD NG SEXBOMB GIRLS SA GALLERY NA ITO:
Matatandaan na mainstay SexBomb Girls sa dating noontime show na Eat Bulaga. Hanggang isang araw, bigla na lang silang hindi napanood sa naturang show.
Ayon sa pagkakaalam ni Rochelle, nagkaroon ng problema sa pagitan ng mga boss nila at ng noontime show.
Pag-amin pa niya, nagtaka rin siya nang malaman na hindi na sila papasok sa naturang show dahil hindi niya umano alam kung magiging propesyonal ba sila at papasok pa rin o susundin ang kanilang emosyon at hindi papasok.
“Kasi, naiintindihan namin 'yung point ni Ate Joy, nagkakaroon kasi ng problema. But kailangan naming gawin 'yung trabaho namin. Ano po ang uunahin namin?” sabi ni Rochelle.
Aminado naman si Sunshine na hindi siya pumasok ng araw na iyon kaya hindi rin niya alam kung ano ang mararamdaman niya. Ngunit puno umano siya ng panghihinayang sa pagkawala ng kanilang trabaho.
“Kasi 'yun 'yung, kumbaga, isa sa malaking trabaho pa rin. And then nu'ng nawala 'yun, malaking part ng kabuhayan din namin, aminin na namin, na nawala din sa 'min. And then, parang doon na nagsimula maging shaky,” sabi ni Sunshine.
Panoorin ang kabuuan panayam sa video sa itaas.