
Muling nagkrus ang landas nina Patty at Troy nang mapadpad ang binata sa pinagtatrabahuhan ni Patty.
May nagrekomenda kasi kay Troy ng panahian na lingid sa kaalaman niya ay pinagtatrabahuhan pala ni Patty kaya laking gulat niya nang makita ang dalaga rito.
Samantala, nagkaroon ng isang di pagkakaintindihan si Patty at Tan. Hindi kasi pumayag si Tan nang malaman niya ang balak ni Patty na magpakasal kay Chito.
Ayon sa bata ay hindi niya tatanggapin si Chito bilang kanyang ama. Ibinalik pa nito ang laruan na niregalo ni Chito sa kanya.
Hindi nagustuhan ni Patty ang inasal ni Tan kaya naman napalo niya sa unang pagkakataon ang bata na siyang dinamdam nito.
Kinabukasan ay nagising si Patty na wala na si Tan sa kanyang tabi. Nakita niya ang sulat ni Tan na nagsabing lumayas na siya sa kanila para wala nang isipin pang gastos si Patty.
Mabuti na lamang at nahanap ni Troy si Tan at isinama pauwi sa bahay niya. Nagbigay rin ng payo si Troy kay Tan tungkol sa paglalayas sa mura nitong edad.
Pumunta si Patty sa bahay ni Troy at nang mapag-alamang may sakit si Tan ay ninais na maiuwi agad ito. Ngunit ayaw pa rin umuwi ni Tan at nagmakaawa kay Troy.
Sa huli ay nakumbinse naman ni Troy si Patty na manatili muna at doon muna alagaan si Tan hanggang sa gumaling ito.
Abangan ang mas kapana-panabik pang mga eksena sa Romantic Deception, Lunes hanggang Biyernes, 5:10 p.m. sa GMA.