
Labis daw na nabahala si Ronnie Liang nang malaman niyang ginagamit ang kanyang videos sa social media para makapanloko sa pamamagitan ng love scam.
Sa isang quick chat with GMANetwork.com at iba pang piling entertainment media, nabanggit ni Ronnie na wala siyang kamalay-malay na ginagamit na pala ang kanyang live videos sa social media para makapanloko ng mga babae.
Nalaman na lang daw niya ito nang minsang mag-live siya at may isang viewer na sunud-sunod ang naging comment.
“Inakusahan ako na ako raw ay nanghingi ng pera sa kanila. Inakusahan ako na niligawan ko sila, mag-book ng flight, ng motel, para mag-meet up, at magpadala ng pera gamit ang AI-generated video,” pagbabahagi ng Akusada actor.
Nauna na itong nilinaw ni Ronnie sa isang TikTok video kamakailan, kung saan ipinakita niya ang fake video at ang orihinal na video na ninakaw ng scammer.
Aniya sa post, “HINDI ko ginawa ang mga 'yan. Wala akong natatandaan na gumawa ako ng video para manghingi ng investment sa crypto, pera sa panliligaw, o ipa-send sa bank accounts/e-wallet.”
@ronnieliangofficial Babala: Pekeng Video, Huwag Maniniwala!Attention! Grabe, natakot at nabahala talaga ako sa video na 'to.Ang pinapanood n'yo ay gawa ng AI (Artificial Intelligence). Ginagamit 'to ng mga scammer, gamit ang mukha at boses ko. May reklamo na ako na nakakakuha sila ng ganito, at may nabiktima na rin.Ginagamit 'to para:* Manghingi ng pera.* Manligaw ng Pinay at foreigner.* Manghikayat mag-invest sa crypto at manghingi ng pera.Marami pang kumakalat na video gamit ang mukha at boses ko.Pakiusap, gusto kong malaman ng publiko: HINDI ko ginawa ang mga 'yan. Wala akong natatandaan na gumawa ako ng video para manghingi ng investment sa crypto, pera sa panliligaw, o ipa-send sa bank accounts/e-wallet. Maraming salamat po.
♬ Suspense, horror, piano and music box - takaya
Hindi raw makapaniwala ri Ronnie na marami ang naniwala sa panlolokong ito.
“Actually, kinabahan ako kasi pati boses, mata, yung buka ng bibig sa boses, pati yung name,” sabi ni Ronnie sa interview.
Nabahala rin si Ronnie dahil marami ang madaling napapaniwala ng ganitong uri ng pang-i-scam.
Aniya, “My frustration was alam naman nilang… the account name is different, kung saan ise-send yung money, sa bank account. Alam na nilang iba yung account name, sine-send pa rin. Alam nila yung address na magre-receive ng package nila, hindi naman Ronnie Liang, ise-send pa rin. Hindi po ako hihingi ng libo-libong dolyar para sa panliligaw sa foreigners.”
Dagdag biro pa niya, “Maraming nagsasabi, 'Ikaw na.' Pero kawawa kasi. Sabi ko nga, sana binigay na lang sa akin.”
Kaya naman muli niyang paalala sa kanyang fans at followers, “Be vigilant, be observant, be careful. Hindi lahat ng nakikita ninyong video ay totoo. Hindi lahat ng nagme-message sa inyo ay legit. Hindi ko po gagawin ang mag-solicit ng pera sa inyo, humingi ng package o magpadala ng mga gadgets o makipagkita sa motel.
“Mayroon po akong official social media accounts, ito po ay mga verified accounts sa TikTok, Instagram, at Facebook. Yun po ang legit na social media ko. Kapag hindi po galing doon at nag-PM po sa inyo, nanghingi ng pera o nanligaw, hindi po ako yun.”
Para naman sa mga kapwa niya artista, payo ni Ronnie, Bantayan ninyo yung mga nagta-tag sa inyo, yung mga nagpi-PM [private message] sa inyo, baka may mga gumawa na rin ng AI video para manloko.”
Tingnan ang ilang celebrities na nagamit ang kanilang mga pangalan sa pang-i-scam: