
Inamin ni Ronnie Liang na minsan siyang nag-audition para maging bahagi ng isang boy band sa South Korea.
“That time, kasagsagan ng 'Ngiti.' Gusto nila akong dalhin sa Korea,” pag-alala ni Ronnie sa intimate interview with entertainment media, kasama ang GMANetwork.com, kamakailan.
Ayon kay Ronnie, nalaman niya ang tungkol sa audition nang magpadala ng invitation ang isang programa sa South Korea.
Pag-alala pa niya, “Nag-audition ako sa mga producer. Yung show ang may invitation na may audition. Kasi, there's this trend na they will get artists from different countries and then, they will be combined together and launch them as K-pop [group].”
Katulad ng mga nag-train sa South Korean para maging bahagi ng isang music group, kailangan din daw niyang manatili sa naturang bansa ng dalawa hanggang tatlong taon para sa training.
Aniya, “Ang requirement is two to three years ang training. Sabi pa nila, 'Are you willing, face, change?' Sabi ko, 'Yes.' Kaso, three years na walang uwian.”
Dahil daw rito, hindi siya tumuloy. Paliwanag niya, “That time kasi, we were promoting 'Ngiti.' Kaka-release ko lang nung kanta. I have contracts, commitments sa shows.”
Bukod sa pagiging singer, nakilala na rin sa local showbiz si Ronnie bilang isang artista. Naging army reservist at piloto rin siya.
Tinanong ng GMANetwork.com kung nanghinayang siya sa kanyang naging desisyon noon na huwag ituloy ang training sa South Korea para maging K-pop idol.
Sagot niya, “Well, nanghinayang ako, actually, I have to be very honest.
“Pero that time kasi, sabi rin ng advisors ko, suntok sa buwan, 'Hindi natin alam kasi marami kayo doon, grupo kayo doon kas inga boy band. Dito, you're a solo artist, may gigs ka na, may regular shows. Kasi, nag-audition ako 300 times, nakapasok na ako, 'tapos iiwan ko para pumunta ako doon. Back to zero ulit.”
Dagdag pa niya, “Kapag nakakakita ako ng K-pop, napupuno ang Philippine Arena… Pero all things work together for good. Kung nangyari yun, baka hindi ako naging reservist o piloto.”
TINGNAN ANG LOCAL CELEBRITIES NA KINILALA ABROAD:
Samantala, natutuwa si Ronnie na ang kanyang mga kanta ay ginagawan na rin ng cover ng foreigners. Sa katunayan, minsan pang ginamit pa ni GOT7 member na si BamBam ang “Ngiti” sa kanyang performance sa Kpop Masterz show dito sa Pilipinas noong 2022.
“I feel flattered, karangalan na isang banyaga, katulad ng mga K-pop artist, is singing or use my songs. Ganun na siya ka-acknowledged ng mga foreigners,” sabi ni Ronnie.
Patuloy niya, “Tayo nga kumakanta ng mga English songs, kahit ako mga Korean songs. Sila, dapat kumanta rin. Maganda na sila rin ay kumanta [ng OPM].
“Nakakatuwa ang mga kababayan natin, talagang alam na alam nila- [ang Korean songs], sinasabayan nila.
“See how powerful music is, kung paano niya tayo pinagkakaisa, how ina-uplift yung mood, nagse-send ng good vibes, ang kung bakit may Ronnie Liang ngayon. It's because of the music.”
Dahil daw sa mga pagkakataong tulad nito, naalala niya ang kanyang mga pinagdaanan para maging isang kilalang singer sa bansa.
“Kapag naaalala ko yun… kapag may kumakanta na foreigners o alam ng mga batang Gen Z ang mga kanta ko when I perform, naaalala ko yung time na nag-audition ako. I auditioned 300, 400 times. So many rejections. Good thing, sabi ko, hindi ako nag-give up.
“Now, because noong time na yun we persevered and we were determined for our dreams, may Ronnie Liang ngayon, may 'Ngiti,' and lifetime na 'yan sa ayaw at sa gusto n'yo,” pabirong sabi ni Ronnie.
Sa ngayon, bukod sa kanyang pagpapatuloy ng kanyang pag-aaral--kasalukuyan niyang tinatapos ang Doctor of Philosophy in Development Administration with a Major in Security Development--abala rin si Ronnie para i-promote ang kanyang bagong single na 'Para Lang Sa 'Yo.'
Ang cover ng kantang ito, na orihinal na kinanta ni Ice Seguerra, ay ilalabas sa digital music platforms sa March 15 Ayon sa singer-actor, anumang kikitain mula sa kantang ito ay ibabahagi niya sa kanyang Project Ngiti Foundation.