
Ngiti para sa mga batang may cleft lip and palate ang regalo ng singer at Sparkle star na si Ronnie Liang matapos niyang ipagdiwang ang kanyang kaarawan kasama ang mga ito sa St. Vincent's General Hospital sa Marikina.
Sa ilalim ng kanyang sariling organisasyon, ang Project Ngiti Foundation, pinangunahan ni Ronnie ang isang medical mission na naglalayong magbigay ng libreng operasyon sa sampung batang nangangailangan ng serbisyong medikal.
Sa isang video mula sa official page ng foundation, ibinahagi ni Ronnie ang kanyang adbokasiya at kung bakit ito ang napili niyang gawin upang ipagdiwang ang kaarawan ngayong taon.
“Ang aming advocacy, ang aking project ko ngayong kaarawan ko ay magpa-opera ng mga bata na may cleft lip and palate; magbigay ng libreng surgery and operation para sa kanila,” sabi ni Ronnie sa video.
Ibinahagi rin niya na bukod sa pagpapasaya niya ng maraming tao sa pamamagitan ng musika, hilig niya rin na makapagbigay ng ngiti sa mga batang dumaranas ng hirap dahil sa kanilang kondisyon.
“Wish ko na makapagpangiti tayo sa kanila through my music, but this one, literal na makakapagpangiti tayo ng mga bata cleft lip and palate,” pahayag ni Ronnie.
“Lalong-lalo na 'yung mga struggle ng mga magulang, also 'yung mga pasyente natin, kapag 'di yun naoperahan, paglaki nila, grabe 'yung hirap na dadanasin nila,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa singer, layunin niyang makapagbigay ng bagong pag-asa sa pamamagitan ng pagbibigay ng ngiti sa mga bata matapos nitong sumailalim sa handog nilang libreng operasyon.
“We bring hope, we bring joy sa mga batang may cleft lip and palate, para maibalik ang mga ngiti na nawala sa kanila,” sabi ni Ronnie.
Sa isang bukod na video clip, nag-iwan naman ng mensahe si Ronnie sa mga magulang at sa batang cleft lip and palate patients.
“Ang aking laging pinapanalangin; s'yempre di naman ako panghabambuhay na artista, hindi naman ako habambuhay nasa industriya, pero at least po, habang nandito pa at mayroon pang ngiti na p'wedeng ibahagi sa mga kababayan natin, nakatulong po tayo at naging channel of God's blessing na makapagpaopera ng mga batang may cleft lip and palate,” masayang sabi ni Ronnie.
“Wish ko na wala ng bata, kahit po matatanda, na may cleft lip and palate,” dagdag pa niya.
Bukod sa pagiging singer at aktor, matatandaang naging army reservist si Ronnie noong 2020 at nakapagtapos ng karagdagang kurso sa Philippine Army noong 2023.
Sa kasalukuyan, abala rin siya sa aktibong paglulunsad ng mga medical mission sa ilalim ng kanyang adbokasiya sa Project Ngiti Foundation.
Related Gallery; Get To Know Filipino Singer and Sparkle Star Ronnie Liang