
Nagluluksa ngayon ang Start-Up PH actor na si Royce Cabrera dahil sa biglaang pagkamatay ng kanyang dating manager na si Dudu Unay.
Sa Instagram, ibinahagi ni Royce ang ilang mga larawan nila ni Dudu bilang pag-alala sa kanilang pinagsamahan. Kalakip nito ay ang kanyang mahabang mensahe ng pamamaalam para sa kanyang pumanaw na dating manager.
Ayon kay Royce, isa si Dudu sa nagtiwala sa kanya noon habang nagsisimula pa lamang siyang pasukin ang mundo ng showbiz.
Aniya, "Isa ka sa mga taong naniwala sa'kin na kaya ko. Muntik na akong sumuko noon dahil pakiramdam ko walang nangyayari pero inilaban mo ko, sumugal ka sa'kin. Kaya ito ako ngayon, Tito, patuloy na inaabot lahat ng pangarap na pinag-usapan natin."
Nagpasalamat din ang Kapuso actor sa lahat ng naitulong ng kanyang Tito Dudu sa kanya.
"Salamat sa pagsugal mo sa'kin, salamat sa lahat ng payo mo, salamat sa lahat ng efforts mo. Hindi ko sasayangin lahat ng 'yun Tito," ani Royce.
Ayon pa sa post ng aktor, marami pa sana silang pagsasamahang proyekto ni Dudu ngunit hindi na ito matutuloy dahil sa kanyang maagang pamamaalam. Gayunpaman, baon ni Royce ang lahat ng itinuro at ala-ala ni Dudu sa kanya.
"Sayang dami pa natin projects na gagawin. Hindi ko alam kung papaano aandar mag-isa pero alam ko nandito ka pa rin sa likod ko laging naka-alalay.
"Rest well, Tito Dudu. Bitbit ko lahat ng natutunan ko sa'yo para patuloy na sumabay sa agos ng buhay," saad ni Royce.
Nakilala si Royce dahil sa kanyang galing sa pag-arte sa iba't ibang karakter na kanyang ginampanan sa maraming Filipino independent films. Ngayon isa na si Royce sa promising actors ng kanyang henerasyon at kasalukuyang napapanood sa high-rating primetime series ng GMA na Start-Up PH kasama sina Alden Richards at Bea Alonzo.
KILALANIN ANG KAPUSO ACTOR NA SI ROYCE CABRERA SA GALLERY NA ITO: