
Magsasama ang dalawang talented comedians ng Kapuso Network na sina Rufa Mae Quinto at Betong Sumaya para sa kauna-unahang family sitcom ng GTV, ang Tols.
Ayon kay Betong, ito ang unang pagkakataon na gaganap siyang kontrabida sa isang sitcom.
"Abangan niyo 'yung parang love angle namin ni Peachy. Isipin mo Betong and Rufa Mae, my goodness parang alam niyo na kung anong mangyayari," biro ni Betong sa interview kay Cata Tibayan ng 24 Oras.
Kuwento naman ni Rufa Mae, tiyak na masisiyahan ang lahat sa Tols. Aniya, "Ang isa sa gusto ko sa show na ito welcome ang lahat, para kaming isang maliit na pamilya. Masayang-masaya kaya mag-e-enjoy kayo."
Sa sitcom, gagampanan ni Rufa Mae ang balikbayan na ina ng triplets na si Mommy Barbie, habang bibigyang buhay naman ni Betong ang dating manliligaw ni Mommy Barbie na si Tuks Bayagbag.
Makakasama rin nina Rufa Mae at Betong sa sitcom ang Kapuso heartthrobs na sina Kelvin Miranda, Shaun Salvador, at Abdul Raman na gaganap bilang ang triplets na sina Uno, Dos, at Third.
Nariyan din sina Arkin Del Rosario, Olive May, Raymond Mabute, at Rolando Inocencio.
Ang Tols ay mula sa direksyon ni Direk Monti Parungao.
Abangan ang world premiere ng Tols sa June 25, 7:00 p.m. sa GTV.
Samantala, tingnan ang naganap na media conference para sa Tols sa gallery na ito: