
Ikinuwento ni Rufa Mae Quinto ang mga personal niyang pinagdaanan matapos masangkot sa investment scam ng isang derma company na ineendorso niya. Sinampahan siya ng 14 counts ng kasong paglabag sa Section 8 ng Securities Regulation Code, na nagsasaad na hindi maaaring ibenta sa Pilipinas ang securities gaya ng shares at investments nang walang registration statement na isinumite at inaprubahan ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Sa guest appearance niya sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Biyernes, May 9, masaya niyang ibinalita na ibinasura ng korte ang kasong isinampa laban sa kaniya dahil sa technical issues.
Aniya, "Siyempre, 'yung buong pangyayari na 'yon, napaka-heavy talaga. Parang hindi mo alam bakit ka nadamay sa gano'n...[Out of nowhere, nagkaroon ako ng kaso] tapos warrant agad pero siyempre hinarap ko naman 'yon. Pinadala 'yung sulat 'di sa akin, sa ibang address kaya isa rin 'yun kung bakit 'di na rin natuloy ang case kasi nga may technicalities. Parang 'di nila napatunayan, parang 'di napadala sa address ko."
Gayunpaman, inamin ni Rufa Mae na naapektuhan ang kaniyang mental health. Sabi niya, "Siyempre, parang na-overwhelm din ako e, parang lalabas ka, siyempre parang nasusuka ako, na-stress ka din kahit na malaya ka kasi parang ang dami na namang feelings."
Ayon pa kay Rufa Mae, nahimatay siya dahil sa anxiety nang malamang sinampahan siya ng kaso habang nasa Amerika.
"Ang nangyari kasi sa 'kin bago no'ng New Year, nahimatay ako two minutes 'yon kasi nga sa gutom, Bagong Taon, sa takot. Paggising ko, duguan ako. Tumawag ako sa 911."
Kinuwento pa ni Rufa Mae na napingas ang kanyang ngipin dahil sa impact ng kaniyang pagkakabagsak. Pasasalamat niya, safe siya at wala namang matinding nangyari sa kaniyang kalusugan.
Nang mangyari iyon, ang pitong taong gulang niyang anak na si Athena ang tangi niyang kasama kaya labis ang kaniyang pag-aalala rito.
Aniya, "Mula noon, sabi ko 'di na ako puwedeng mag-emote kasi 'yung anak ko papaano siya? Sino ang mag-aalaga sa kaniya? Baby pa s'ya, 'di ba? Tapos sabi ko sa sobrang takot, sa sobrang heavy, puwede mo pala ikamatay."
Ayon pa sa sexy comedienne, hinarap niya ang kaniyang kaso kasabay ng problema nila ng kaniyang dating asawa na si Trevor Magallanes. "Parang walang wala na ako. 'Di ko na alam. Parang lahat walang sagot sa tanong ko."
Walang ibang inisip si Rufa Mae kundi ang kapakanan ng kaniyang anak.
"Nalulungkot siya. Siyempre, gusto niya makita ang buong pamilya tapos ayaw niya umalis ng Amerika. Siyempre, may school na siya do'n, do'n siya lumaki, parang 'di pa siya ready lumipat sa Philippines. Pero siguro sa lahat ng pinagdaanan ko, na-feel niya na dito na lang tayo sa Philippines. Na-feel na rin niya na hirap na hirap na siguro ako."
Matapos ang kinasangkutang kaso, labis ang pasasalamat ni Rufa Mae sa mga taong naniniwala sa kaniya. "Ang dami kong endorsement, ang daming nagtitiwala. Paano kung bigla na lang i-cancel ka rin? Alam mo 'yun? Buti na lang...thank you friends, fans, family, 'di n'yo ako iniwan pati 'yung mga tao kaya God is good din."
RELATED GALLERY: CELEBRITIES NA GINAMIT ANG PANGALAN PARA IPANG-SCAM