
Isang intense confrontation scene sa pagitan ng mga karakter nina Kapuso stars Ruru Madrid at Paul Salas ang napanood kamakailan sa Asian thriller romance drama na The Write One.
Sa ika-27 episode ng serye na napanood noong May 4, binawian ng buhay ang karakter ni Bianca Umali na si Joyce matapos ang isang aksidente sa set ng kanyang pelikula.
Dahil dito, sinisisi ng karakter ni Paul na si Hans ang karakter ni Ruru na si Liam na siyang head writer at may ari ng film outfit na nagpo-produce ng pelikula.
Sa eksenang ito, makikitang kinuwelyuhan ni Hans si Liam habang itinutulak sa dingding at humihingi ng paliwanag sa sinapit ni Joyce.
Matapos ang eksena, nagtamo ng minor injuries si Ruru tulad ng mga sugat at pasa sa kanyang dibdib at balikat.
Inihinto muna ang shoot matapos ang insidente para masuri at mabigyan ng first aid ng medics sa set si Ruru.
Todo alalay naman si Bianca sa nobyo na naging abala sa paglalagay ng cold compress sa mga injuries nito.
Lubos din ang paghingi ng dispensa ni Paul na hindi umalis sa tabi ni Ruru habang ginagamot ito.
"Okay ka?" tanong ni Paul kay Ruru.
"Okay lang 'yun 'tol. Ang bigat ng emosyon. 'Pag [tulak] mo sa akin, tumama 'yung ilong mo sa ilong ko," natatawang sagot ni Ruru.
Panoorin ang video ng insidente sa set, pati na ang kinalabasan ng eksena dito:
Aminado sina Ruru at Paul na pareho silang nadala sa eksena. Wala namang naging tampuhan sa pagitan ng dalawa dahil naiintindihan nila na bahagi lang ito ng trabaho.
"Parte po ng trabaho namin ang masaktan sa eksena lalo na sa mga action na eksena. 'Yun ang commitment at pagmamahal namin sa trabaho. Mula pa noong pagkapilay ko sa Lolong,' tinanggap ko na sa sarili ko na mauulit ang mga ganitong pagkakaton, kaya dapat maging handa," paliwanag ni Ruru sa isang mensahe sa GMANetwork.com.
"Doon sa eksena na po namin na ito, binigay lang namin ni Paul 'yung best namin. Trabaho lang and walang anything na personal. Hindi sina Ruru at Paul 'yung nakita niyo kundi sina Liam at Hans. Kahit na may pasa at sugat po ako noon, super happy ako sa kinalabasan ng eksena dahil nakuha namin 'yung gustong emosyon ni Direk (King Mark Baco) para sa characters namin," dagdag pa niya.
Para naman kay Paul, isa na naman itong pagkakataon para matuto sa kaibigan at co-star na si Ruru na hinahanggan niya.
"Having a dark, heavy scene with Ruru marami talaga akong nari-realize sa acting. Dahil siguro ito sa mga reactions at kung paano din dalhin ni Ruru ang kanyang character. Natatakot ako minsan tumalon sa kung anong gusto ng character kong gawin kasi sometimes 'di ko nako-control ang sarili ko lalo na kapag galit na scene ang mga kukunan ko. So itong scene na ito, 'di ko na-control dahil ramdam na ramdam ko 'yung galit at sakit noong character ko na si Hans," kuwento niya sa GMANetwork.com.
Masaya si Paul na walang naging samaan ng loob sa pagitan nila ni Ruru dahil sa matibay nilang pagkakaibigan at pagmamahal sa pag-arte.
"What I admire most with Ruru is nakakaintindi siya at alam niya kung ano talaga ang maganda sa eksena kahit medyo nagkasakitan kami doon sa scene na 'yun. Noong kinausap ko siya at humingi ako ng pasensya dahil napasobra 'yung action, sinabi niya lang sakin na naiintindihan niya na 'yun nga ang kailangan sa scene. Nakita niya ang craft ko sa acting, kung gaano ka wide 'yung range ko sa mga reactions and sa trabaho namin as actors," lahad ni Paul.
Sigurado rin daw si Paul na madadala nila ni Ruru ang learning experience na ito sa susunod nilang projects, partikular ang sequel ng hit primetime adventure series na Lolong.
"Napag-usapan pa namin sa darating na Lolong Part 2, mas makakapag-usap at mas mapa-plan na namin 'yung mga action scenes at heavy drama namin dahil sa nangyari nga sa scene ng The Write One. At para di na kami umabot ulit sa ganoon!" aniya.
Patuloy na panoorin The Write One, Monday to Thursday, 9:35 p.m. sa GMA, I Heart Movies at Pinoy Hits. May same-day replay rin ito sa GTV, 11:25 p.m. Maaari ring mag-stream ng advanced episodes nito, anytime, anywhere sa www.viu.com.