
Isang hindi malilimutan na karanasan umano ang pagpasok ni Primetime Action Hero Ruru Madrid sa Bahay ni Kuya nang maging houseguest siya sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0.
Sa Instagram, inilahad ni Ruru ang kanyang karanasan sa loob ng Bahay ni Kuya, bagay na inamin niyang pinangarap lang niya noon.
“Isang pagkakataon na hinding-hindi ko malilimutan. Pinangarap ko lang noon na makapasok sa Bahay ni Kuya—ngayon, natupad ko na,” sulat ni Ruru sa kanyang post.
Pag-amin nu Ruru, pumasok siya ng bahay para sana magbigay ng payo sa Kabataang Pinoy na nasa loob, ngunit tila siya pa ang natuto sa kanila.
“Hindi ko inakalang ganito kalalim ang magiging attachment ko sa bawat housemate,” sabi ni Ruru.
KILALANIN ANG FAN-FAVORITE SHIPS SA 'PINOY BIG BROTHER CELEBRITY COLLAB EDITION 2.0' SA GALLERY NA ITO:
Pagpapatuloy ng Kapuso actor, masaya siyang naging kuya siya ng batang housemates sa loob ng bahay, at ipinangakong kahit sa paglabas nila ay mananatili siyang si Kuya Ruru para sa kanila.
“At hangga't may pangarap akong tinutupad, hindi ako mapapagod maging inspirasyon para sa bawat kabataan—na huwag sumuko sa kanilang pangarap, dahil patunay ito na walang imposible,” sabi ni Ruru.
Pinasalamatan din ni Ruru ang mga bumubuo ng Pinoy Big Brother at si Kuya para sa pagkakataong binigay sa kanyang makapasok sa bahay nito.
“Salamat sa isang malalim na usapan na dadalhin ko habang buhay. Hanggang sa muli,” pagtatapos ni Ruru.
Samantala, ngayong Sabado, November 29, magaganap ang ikalawang eviction night sa Big Brother's house. Matatandaan na nominado ang mga miyembro ng team Determined Warriors na sina Anton Vinzon, Heath Jornales, Marco Masa, Krystal Mejes, Eliza Borromeo, at Carmelle Collado.
Sino kaya sa Team Determined Warriors ang lilisanin na ang Bahay ni Kuya? Abangan sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0, weekdays 10:05 p.m. at weekends, 6:15 p.m., sa GMA, Kapuso Stream, GMANetwork.com, GMA Pinoy TV, Kapamilya Online Live, iWanTFC, at TFC.
Maaari ring silipin ang mga kaganapan ngayon sa loob ng Big Brother house sa All-Access Livestream ng programa.