
Excited na si primetime action hero Ruru Madrid na maipalabas ang bagong full action series na Black Rider.
Gaganap siya rito bilang Elias Guerrero, isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.
Bukod sa pagbibigay-pugay sa lalo pang dumadaming delivery riders sa bansa, sasalaminin din daw ng serye ang marami pang kuwento ng mga ordinaryong Pilipino.
"Ang Black Rider ay kwento ng paghihiganti laban sa mga mapang-api, at paglaban sa kawalan ng hustisya. Bukod dito, kwento rin ito na ipapakita ang araw-araw na pinagdadaanan ng bawat ordinaryong Pilipino," paglalarawan ni Ruru sa serye.
"Hindi lang ito kwento na magbibigay buhay sa mga bayani ng kalsada, mga delivery riders---mga bayani noong pandemya-- kundi bukod sa kanila, kwento rin ito ng pamilya, ng pagkayod araw-araw para sa mga pangarap natin, at alang-alang sa mga mahal natin sa buhay," dagdag niya.
Kaya naman bukod sa kapanapanabik na action scenes at stunts, mabubusog din daw ang mga manonood sa values na lubos na pinahahalagahan ng mga Pilipino.
"Dahil ang puso naman ng kwentong Pilipino at teleseryeng Pilipino ay sumesentro sa pagmamahal natin sa pamilya, na gagawin natin lahat para sa ating mga mahal sa buhay," paliwanag ng aktor.
Makakasama ni Ruru Madrid sa serye sina Matteo Guidicelli, Katrina Halili, Yassi Pressman, Jon Lucas, Kylie Padilla, at marami pang iba.
SILIPIN ANG STAR-STUDDED MEDIA CONFERENCE NG BLACK RIDER DITO:
Abangan ang world premiere ng full action series na Black Rider, November 6, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.
May simulcast ito sa digital channel na Pinoy Hits at may delayed telecast naman sa GTV, 9:40 p.m.
Maaari rin itong mapanood via livestream online sa Kapuso Stream.