
Abala na si primetime action hero Ruru Madrid sa 2025 Sparkle World Tour kasama ang mga kapwa Kapuso stars na sina Kyline Alcantara at Aiai delas Alas.
"Kung ano 'yung saya na na-experience namin noong una, 2023, hopefully ganoon din po 'yung pag-welcome nila sa amin," pahayag ni Ruru.
Magtatanghal sila ng ilang shows sa Canada, kabilang ang Toronto, Calgary, at Ottawa.
"May live band tayo diyan. Magkakantahan tayo, magsasayawan tayo. Excited na 'ko na makapag-perform. Dalhin natin ang Pilipinas sa kanila. Pakikiligin natin sila at mag-e-enjoy lang po," bahagi ng aktor.
Sa susunod na buwan na makakauwi sa Pilipinas si Ruru.
Pagdating niya, diresto na siya sa paghahanda para sa isang bagong proyekto.
"Tuloy tuloy na ulit 'yung mga trabaho. At the same time, training na rin, preparation po para po sa aking gagawing bagong teleserye. Doon, talagang ibubuhos na natin lahat diyan," lahad ni Ruru.
Panoorin ang buong panayam ni Aubrey Carampel kay Ruru Madrid para sa 24 Oras sa video sa itaas.
Samantala, nominado si Ruru bilang Best Supporting Actor sa kapitapitagang 73rd Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awards.
Para ito sa natatanging pagganap niya sa award-winning prison drama film na Green Bones.
Bukod sa kanya, nominado din ang co-stars niyang si Kapuso Drama King Dennis Trillo bilang Best Actor, at Alessandra de Rossi bilang Best Actress.
Nominado ang direktor ng pelikulang si Zig Dulay para sa Best Director.
Kabilang din ang pelikula sa nominees para sa Best Visual Effects, Best Sound, Best Musical Score, Best Screenplay, Best Editing, Best Picture.
Sa total, sampu ang nakuhang nominasyon ng Green Bones sa 2025 FAMAS Awards.
Nakatakdang itatanghal ang gabi ng parangal ng FAMAS 2025 sa August 22 sa Manila Hotel.