
Puno ng mga biyaya ang taong 2024 para kay primetime action hero Ruru Madrid.
Dahil dito, talagang maraming ipinagpapasalamat si Ruru sa kanyang career at maging sa kanyang personal na buhay.
Sa isang Instagram post, binalikan ng aktor ang magandang takbo ng nakaraang taon para sa kanya. Nagbahagi rin siya ng ilang pictures at videos ng highlights ng 2024 para sa kanya.
"Salamat, 2024! Isang taon na punong-puno ng biyaya, tagumpay, at pagmamahal. Mula sa Black Rider na naging daan upang maabot ang bagong milestone sa aking karera, sa Green Bones na nagbigay sa akin ng karangalan bilang Best Actor in a Supporting Role at Best Picture, hanggang sa pagbabalik ng Lolong na mapapanood na ngayong taon. Higit sa lahat, isa rin itong taon ng pagmamahal dahil ipinagdiwang namin ni Bianca (Umali) ang aming ika-6 na anibersaryo," pag-isa-isa ni Ruru sa mga blessings na natanggap niya.
Nagbigay rin siya ng pasasalamat sa mga taong nakapaligid sa kanya, at maging sa Diyos.
"Hindi ko magagawa ang lahat ng ito kung wala ang suporta ng aking pamilya, mga kaibigan, ang tiwala ng mga tumatangkilik sa akin, at higit sa lahat, ang patnubay ng Panginoon," pagpapatuloy niya.
Handa na raw si Ruru sa mga bagong hamon na dala ng bagong taon.
"Ngayon, sabay-sabay nating harapin ang 2025! Naniniwala akong ito ang magiging pinakamagandang taon--hindi lang para sa akin kundi para sa ating lahat. Patuloy tayong mangarap, magpursigi, at magbigay ng inspirasyon sa bawat isa," aniya.
Bukod dito, nagbigay rin siya ng paalala para sa lahat at sa kanyang sarili.
"Mananatiling paa sa lupa, mata sa langit. To God be the glory! Happy New Year, everyone!" pagtatapos ng kanyang post.
Nakatakdang magbalik si Ruru sa primetime sa upcoming series na Lolong: Bayani ng Bayan na pangalawang season ng number one adventure serye sa Philippine primetime at 2022's most watched TV show na Lolong.
Muling bibigyang-buhay ni Ruru ang kuwento ni Lolong at ng mga Atubaw--lahi ng mga tao na may malalim na koneksiyon sa mga buwaya.
Gamit ang kanyang kakaibang mga kakayanan tulad ng pambihirang lakas at mabilis na pagpapagaling sa sarili, poprotektahan niya ang bayan ng Tumahan.
Kasama pa rin niya ang kaibigan niyang si Dakila, isang dambuhalang buwaya.
SILIPIN ANG EXCLUSIVE BEHIND-THE-SCENES PHOTOS MULA SA TEASER SHOOT NI RURU MADRID PARA SA 'LOLONG: BAYANI NG BAYAN' DITO:
Abangan ang dambuhalang pagbabalik ng number one adventure serye sa Philippine primetime at 2022's most watched TV show sa pangalawang season nitong Lolong: Bayani ng Bayan, January 20 sa GMA Prime.
Balikan ang unang season ng Lolong: GMANetwork.com/Lolong