
Iba't ibang pagsubok na ang hinarap ng karakter ni Ruru Madrid na si Lolong mula sa unang season nito hanggang sa Lolong: Pangil ng Maynila.
Gaya ng role ni Ruru, pinagtibay din ang Sparkle actor ng mga pinagdaanan sa paggawa ng naturang Kapuso action series.
Sa "Chika Minute" report ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras, sinabi ni Ruru na hindi lamang nabago ng Kapuso action series ang kanyang buhay bilang aktor, kundi sa pagiging isang tao.
"Itong Lolong 'yung nagpabago talaga sa buhay ko. Hindi lang sa pagiging artista, kundi sa pagiging tao. Sa kabila ng lahat ng mga binabato sa'yo ng mundo, na bigla kang magkakaroon ng injury, biglang magkakaroon ng pandemic, biglang magkakaroon ng kung anumang aksidente. Parang 'yun 'yung nagsisilbing lakas sa akin na lalong pagbutihin 'yung ginagawa ko," pagbabahagi niya.
Blessed at nagpapasalamat naman ang co-stars ni Ruru na sina Martin Del Rosario at Shaira Diaz sa pagiging bahagi ng serye dahil marami rin daw silang babauning aral at masasayang alaala bilang sina Elise at Ivan.
Ani Shaira, "We're lucky talaga na ma-experience 'yon. Dito sa Lolong, sinubok kami. Nakita kami, nakita natin kung hanggang saan tayong lahat. May mga na-unlock tayo na akala natin hindi natin kayang gawin. Pero dito, nakita natin 'yung range, kung hanggang saan pa pala 'yung range namin na, 'Wow, thank you Lolong. Nailabas mo talaga.'"
Dagdag ni Martin, "Makikita mo kasi na bawat cast, 'yung direktor, creatives, alam mo 'yung binibigay 'yung 100 percent para sa ikagaganda ng show."
Bukod dito, magbabalik din ang dambuhalang kasangga ni Lolong na si Dakila na dapat abangan ng mga manonood.
"Very nostalgic kasi parang bumabalik din 'yung season one. May mga eksena kaming ginawa na parang kung papaano namin siya shinoot noong season one na kaming dalawa lang ni Elsie and then ngayon, nadagdagan na kami. So abangan po natin 'yung mga gano'ng klaseng moments," kwento ni Ruru.
RELATED GALLERY: Kilalanin ang mga bagong tauhan sa 'Lolong: Pangil ng Maynila'
Naghahanda na rin daw ang cast para sa grand finale ng Lolong: Pangil ng Maynila.
"Mayroon kaming napag-agreehan na isang eksena na parang never ko pang napapanood sa talambuhay ko. Very exciting 'yung Lolong. Siguro magtatapos man siya sa pag-ere sa telebisyon pero habang buhay siyang nasa puso nating lahat. Hindi ko masasabi na ito na 'yung huli, maraming mga possibilities," saad ni Ruru.
Panoorin ang buong panayam ni Ruru Madrid sa 24 Oras report na ito.
Subaybayan ang Lolong: Pangil ng Maynila, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May delayed telecast din ito sa GTV, 9:40 p.m. at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.