
Ipinasilip ni primetime action hero Ruru Madrid ang isang araw sa kanyang buhay kamakailan.
Source: dalemallari_ (IG)
Sa isang maikling video na ibinahagi ng aktor sa kanyang social media accounts, makikitang sinimulan niya ang kanyang araw sa pagwo-workout.
Ginabayan si Ruru ng kanyang longtime fitness coach na si Ghel Lerpido.
Nakasabay rin niya sa gym ang kapwa Kapuso actor na si Paolo Contis na isa rin sa celebrity clients ni Coach Ghel.
Sumailalim sina Ruru at Paolo sa iba't ibang floor exercises, nagbuhat ng weights, at ilang pang mga exercise routines.
Matapos nito, nagmaneho si Ruru patuno isa isa pang fitness center para naman mag-training sa Filipino martial arts.
Ipinagpapatuloy niya ang pagsasanay para sa Laraw Kali Pamuok sa ilalim ni Lakan Ronnie Royce Base.
Nag-practice dito si Ruru ng iba't ibang uri ng sipa at defense moves. Nagkaroon din siya ng close combat sparring at knife combat training kasama si Lakan Ronnie.
Kasama niya dito ang kapatid at kapwa Kapuso star na si Rere Madrid. Makikita din sa video ni Ruru na nagsa-sparring si Rere kasama ang isang trainer.
"My daily grind. Strength. Focus. Flow. Getting better every single day," sulat ni Ruru sa caption ng kanyang post.
Minsan nang ibinahagi ni Ruru na tatlong beses sa isang linggo kung mag-train siya para sa Laraw Kali Pamuok.
Nakakatulong kasi ito sa pagkundisyon ng kanyang isip at katawan. Isa rin daw itong mahalagang paalala ng mayamang kultura ng ating bansa.
Gusto pa nga ni Ruru na magturo nito sa kabataan sa hinaharap para maipasa sa kanila ang disiplina na natutunan niya mula dito.