
Unang episode pa lang, puno na ng bakbakan ang bagong full action series na Black Rider.
Kasama ang produksyon ng serye, pinanood ng bida na si primetime action hero Ruru Madrid ang unang episode ng Black Rider sa set nila sa Tanay, Rizal kung saan kumukuha pa sila ng mga eksena.
"Grabe, para 'kong nagiging emotional ngayon dahil nga siguro alam namin 'yung hirap at pagod na inalay naman para sa programa na ito. Hindi po naging biro ang pinagdaan po namin kaya ngayon na nakita po namin ang kinalabasan ng aming paghihirap o 'yung lahat po ng efforts na 'yun, napakasarap po sa pakiramdam," pahayag ni Ruru.
Mainit ang naging pagtanggap ng mga manonood sa pilot episode serye na inulan ng mga papuri at nag-trend pa sa X (formerly Twitter) kaya lubos ang pasasalamat ni Ruru.
"Maraming maraming salamat po from the bottom of my heart. I love you all! Na-appreciate ko rin lahat ng mga nag-tweet, lahat ng mga nag-post regarding this projects, sa lahat po ng mga kaibigan ko na mga artista," mensahe niya.
Ipagpapatuloy daw ng serye ang pagbibigay-pugay sa mga Pilipinong nagsisipag para itaguyod ang kanilang mga pamilya.
"Saludo po kami sa inyo at nais po naming ikuwento ang inyong mga pinagdadaanan sa mga manonood," ani Ruru.
Kasama ni Ruru na nanood ng pilot episode ang showbiz mentor at co-star na si Phillip Salvador na walang tigil sa pagbibigay ng tips kay Ruru.
"I'm proud of him kasi he stayed humble which is the most important thing," bahagi ni Ipe.
Ang Black Rider ay kuwento ng isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.
Bukod kay Phillip Salvador, makakasama ni Ruru Madrid sa serye sina Matteo Guidicelli, Katrina Halili, Yassi Pressman, Jon Lucas, Kylie Padilla, at marami pang iba.
Sumama sa biyahe ng full action series na Black Rider, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.
May simulcast ito sa digital channel na Pinoy Hits at may delayed telecast naman sa GTV, 9:40 p.m.
Maari rin itong mapanood via livestream online sa Kapuso Stream.
Panoorin ang buong ulat ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras sa video sa itaas.