GMA Logo ryza cenon
Source: nikogvillegas via iamryzacenon (IG)
What's Hot

Ryza Cenon, idinetalye ang dahilan ng pagpapakalbo para sa isang role

By Mark Joseph F. Carreon
Published November 3, 2026 11:34 AM PHT

Around GMA

Around GMA

Nayeon announces new single 'NA-sty'
DepEd secures 172,000 MacBooks, Apple's 'biggest education deal' for laptops
Chika Cart: Ryza Cenon, idinetalye ang dahilan ng pagpapakalbo sa isang role

Article Inside Page


Showbiz News

ryza cenon


Ano ang kuwento sa pagpapakalbo ni Ryza Cenon para sa isang role na kaniyang ginampanan noon?

Matindi at mabusising paghahanda ang ibinuhos ng versatile actress na si Ryza Cenon para sa kaniyang naging role sa horror film na Lilim, kabilang na ang desisyong magpakalbo nang tuluyan.

Sa pagbisita ni Ryza sa Chika Cart noong Lunes, Nobyembre 2, ibinahagi niya kina Baninay Bautista, Donita Nose, at Jeff Fernando ang kuwento sa likod ng kaniyang iconic na transformation.

Ayon sa aktres, itinuturing niya ang bawat proyekto na parang isang “thesis” na kailangang saliksikin at idepensa nang maayos ang karakter.

“Noong nag-storycon, nalaman ko 'yung istorya na kailangan kalbo; kalbo kami lahat dito. After that, kapag ako mayroon po akong mga show, para po akong gumagawa ng thesis—dine-defend ko yung character ko, ginagawan ko ng backstory. Hindi ako mapakali, sabi ko, 'Hindi, kailangan talaga kalbo siya rito. Hindi puwedeng hindi siya kalbo,'” paglalahad ni Ryza.

Mas lalo pa siyang nakumbinsi nang sumalang sila sa look test, "Noong nag-look test kami, nakita ko 'yung prosthetics, hindi ko nagustuhan kasi medyo limited po kasi yung galaw. Kailangan hanggang [batok] kasi hanggang dito yung buhok mo, so ang galaw mo lang [limitado]. Kasi kapag gumalaw ka nang mabilis, malulukot, so malilimitahan yung galaw mo,” paliwanag pa ng aktres.

Sa halip na maging sagabal ang palaging pagpapa-retouch ng prosthetics sa mga eksena, pinili na lamang niyang magpakalbo nang totoo para sa katotohanan at kalayaan ng kaniyang pag-arte.

Bagamat personal na hiniling kay Veronique Del Rosario-Corpus, ang President at Chief Operating Officer ng Viva Artist Agency, una raw itong tinanggihan dahil sa magiging epekto nito sa pag-book ng iba pang mga proyekto.

“Nakiusap po ako sa manager ko, kay boss Veronique, na kung puwede magpakalbo. Una, hindi siya pumayag kasi nga sa showbiz, sa mundo natin, kapag wala kang hair na babae, hindi ka ibu-book. Um-okay ako, [sabi ko], naiintindihan ko,” pahayag ni Ryza.

Gayunpaman, dahil sa dedikasyon ni Ryza at pangakong handa siyang gumastos sa wig kung kinakailangan para sa ibang raket, kinalaunan ay pinayagan din siya.

Pag-amin pa ng aktres, matagal na talaga itong nakasulat sa kaniyang bucket list na noon pa man ay gusto na niyang subukan.

“Bucket list ko kasi ang magpakalbo. Dati kasi, papakalbo dapat ako noong buntis ako. Kaya lang, hindi ako pinayagan, kaya nag-ano lang ako, pixie cut,” ani ng aktres.

Bukod sa kaniyang mga matitinding pagganap sa pelikula, abala rin ngayon si Ryza sa kaniyang grand comeback sa Kapuso Network. Siya ay kabilang sa star-studded cast ng upcoming action-drama series ng GMA Prime na Hari ng Tondo.

Sa inaabangang serye na ito, makakasama niya sina GMA Primetime Action Hero Ruru Madrid at Kapuso Drama King Dennis Trillo, kasama rin sina Rocco Nacino, Ysabel Ortega, Elle Villanueva, at Arra San Agustin.

Samantala, panoorin ang Chika Cart para sa hottest and trending showbiz stories. Mapapanood ito Lunes hanggang Biyernes, 5:15 p.m. hanggang 6:00 p.m. sa GTV, ATM (Adventure.Taste.Moments) YouTube at sa GMA Network TikTok account!

Mapapanood din ang catch-up episode sa Kapuso Stream tuwing 9:30 p.m.

Huwag din palampasin ang Chika Cart Add Pa More! tuwing 6:00 p.m. hanggang 6:30 p.m. sa ATM (Adventure.Taste.Moments) YouTube at sa GMA Network TikTok account.

Manatiling updated sa mga pinakabagong chika, exclusive content, at trending topics sa pamamagitan ng pagbisita sa opisyal na GMA Network website at social media pages ng Chika Cart:

Facebook: https://www.facebook.com/ChikaCartGTV

Instagram: https://www.instagram.com/chikacartgtv/

X: https://x.com/ChikaCartGTV

Related Gallery: Ryza Cenon is brave and bald in her new Instagram photos